March 1, 2010

CONGRESSWOMAN IVY ARAGO, GRAND SLAM AWARDEE BILANG OUTSTANDING CONGRESSMAN



     SAN PABLO CITY - Naka-grand slam si Laguna 3rd District Congresswoman Maria Evita Arago nang muling mapili ng Congress Magazine bilang isa sa mga Outstanding Congressmen sa taong 2009.

     Magugunitang nagwagi si Arago ng kaparehong pagkilala noong unang taon niya sa Mababang Kapulungan noong 2007, naulit noong 2008 at 2009 dahil sa extra-ordinary performance sa Kongreso kung saan siya naging aktibo sa mga committee hearing at mismong sa plenaryo ng Lower House.

    Nakapagtala ang mambabatas ng near perfect attendance na pinahalagahan ng house leadership at nakapagsulong ng humigit kumulang sa 80 panukalang batas kung saan 15 sa mga ito ay personal niyang iniakda at matagumpay na naidepensa sa floor debates.

    Pinakahuli na napagtibay ng bicameral committee ay ang House Bill No. 1387 na nagtatadhana ng pagtatatag ng Office for Person with Disability Affairs (PDAO) sa bawat bayan, lunsod at lalawigan.

    Naging bahagi rin si Arago sa mga landmark legislations tulad ng Cheaper Medicines Bill at ng Mounts Banahaw and San Cristobal Protected Landscape Act of 2009  na mismong dito pa sa Lalawigan ng Laguna nilagdaan ng Pangulo ng Bansa. Ang Cheaper Medicine Bill ay sa Santa Cruz, at ang Mounts Banahaw and San Cristobal Protedted Landscape Act ay sa Calamba City.

     Kasalukuyang ipinaglalaban pa ni Arago sa Kongreso ang kanyang mga panukalang batas na Magna Carta para sa mga Barangay Tanod, ang pagbabalik ng Pitong Lawa sa pamamahala ng City Government of San Pablo mula sa Laguna Lake Development Authority (LLDA), at pagtatayo ng Skills Training and Development CenterFor Out Of School Youth para sa kagalingan ng mga kabataan ng distrito..


     Pina-follow up pa ni Arago sa Senado ang iba pa niyang panukala,  tulad ng pagtatayo ng Tuy-Baanan National High School sa Liliw, San Pablo City National Science High School, Mabacan National High School sa Calauan, at San Benito National High School sa Alaminos.

     Si Arago ay nasa kanyang unang termino pa lamang bilang kinatawan ng ika-3 distrito ng lalawigang ito, na napansin ng maraming political observer na ang bawa’t taon ng kanyang panunungkulan ay naging mabunga at kapakipakinabang para sa mga mamamayan ng bansa. (Seven Lakes Press Corps)


TEAM "AA", GAGABAY TUNGO SA KAUNLARAN

Alaminos, Laguna - Naninindigan ang maraming lider barangay sa bayang ito na ang Tambalang Ruben D. Alvarez at Benito D. Avenido, na karaniwang tinatawag na “Team AA”, kung mahahalal na lahat o kung sila ang makakakuha ng mayorya sa sangguniang bayan ay may katiyakang magagabayan nila ang mga mamamayan tungo sa isang maunlad na pamumuhay.

Si kasalukuyang Vice-Mayor Ruben D. Alvarez, na naghain ng kandidatura sa pagka-Alkalde, ay nagsimula sa paglilingkuran bilang isang pinunong barangay, na naging daan upang siya ay higit na makilala na naging daan upang tatlong ulit na mahalal bilang Number One Councilor, at pagkatapos ng kanyang three-term ay mapaluklokl na Pangalawang Punong Bayan dito. Kaya nasa kanya ang sapat na katangian at karanasan upang maging punong tagapagpaganap ng bayang ito na mayroon ng populasyong mahigit sa 40,000.

Samantala si Konsehal Benito D. Avenido ay dating officer ng Rural Bank of Alaminos, kaya siya ay nagkaroon ng malawak na kabatiran at unawa sa micro-financing na makatutulong upang ang mga residente ay mahikayat na magkaroon ng sariling hanapbuhay, o maging bahagi ng informal labor sector.

Ang bumubuo ng mga pambato ng PDSP/Liberal Party ay sina Vice Mayor Ruben Donato Alvarez sa pagka-Alkalde, Konsehal Benito D. Avenido sa pagka-Bise Alkalde, at sina Konsehal Jaime M. Banzuela, Konsehal Rocel A. Macasaet, Rodolfo B. Jampas, Edgardo B. Faylona, Rolando L. Perez, Harold C. Jaron, Elvie K. Manalo, at Renato S. Ramos sa pagka-Konsehales. Sila ay kumakatawan sa iba’t ibang disiplina ng kaisipan, na pawang naniniwalang ang kaunlaran ng isang munisipyo ay salig sa kaunlaran ng bawa’t barangay na bumubuo nito, at ang kaunlaran ng mga barangay ay salig sa barangay development plan. Na kanilang nakasanayan ng gawain.

Ayon kay Alvarez, lubhang kailangan ang barangay development planning sapagka’t isang katotohanang limitado ang pinagkakakitaan ng pangasiwaang munisipal, at ang barangay development planning ang gagabay upang maayos na mapag-una-una ang mga palatuntunang ipatutupad, na kung makakaugnay-ungay ay magiging daan tungo sa higit kaunlaran ng buong munisipyo. (
Sandy Belarmino)

COMELEC RULES IPINALIWANAG NG CITY ELECTION OFFICER



Si OIC Patrick Arbilo samantalang ipinaliliwanag ang mga tadhana ng mga batas panghalalan

Pinulong ni Officer-in-Charge Patrick H. Arbilo ng City Election Office ang mga punong barangay ng lunsod, kasama ang hepe ng kanilang barangay tanod, noong Biyernes ng hapon sa PAMANA Hall sa City Hall upang ipaunawa ang mga itinatagubilin ng Resolution No. 8758, upang ganap na maipatupad ang mga iniuutos ng Republic Act No. 9006, na lalong kilala bilang “Fair Election Practices Act “ kaugnay ng nalalapit na halalan sa Mayo 10, 2010.

     Ang campaign period para sa mga posisyong panglokal ay magsisimula na sa Marso 26, araw ng Biyernes.

     Dumalo rin ang mga kinatawan ng Department of the Interior and Local Government, ng Philippine National Police, at ng Armed Forces of the Philippines. Dumalo rin ang ilang kinatawan ng Seven Lakes Press Corps bilang pakikipagtulungan upang maging mabilis at malawakan ang desiminasyon ng mga mahahalagang impormasyon mula sa COMELEC sa mga karaniwang mamamayan.

     Tinawag na Forum on Fair Election Practices Act, inisa-isa ni Arbilo ang mga campaign materials na inihanda ng labag sa ipinaiiral na mga batas at alituntuning panghalalan, at ang mga kapangyarihan at pananagutan ng mga punong barangay, at ng kanilang mga tanod na ipatupad ang alituntunin sa kanilang hurisdiksyon.

     Ipinaliwanag din ni Arbilo ang mga pamamaraan ng pagpapatupad ng batas, lalo na ang mga pagtatanggal ng mga propaganda materials sa labas ng lawak na itinakda para pagkabitan ng mga poster. Kasama na ang pagpapaalaalang maaari lamang maglagay ang isang kandidato ng kanyang mga poster o tarpaulin sa mga pribadong lugar sa kapahintulutan ng may-ari ng gusali o istraktura, kasama na ang mga pader o bakod, subali’t dapat ay tama ang sukat sa pamantayang itinatakda ng Commission on Elections.

     Napag-alamang bawal ang pangangampanya sa Araw ng Huwebes Santo at Biyernes Santo, gayon din sa Mayo 9 o sa bisperas ng halalan., at tulad ng ano mang kabawalan, ang mga mararapatang lalabag dito ay malalapatan ng disiplina o kaparusahan.

     Bago ang Forum on Fair Election Practices Act para sa mga pinunong nayon, napag-alamang una ng pinulong ni OIC Patrick H. Arbilo ang mga kandidato sa mga posisyong panglokal na ginanap sa Barangay Training Center noong Biyernes ng umaga, upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa magkabilang panig sa panahong ipinatutupad na ang batas.

     Samantala, napag-alamang sa nakaraang buwanang pulong ng Liga ng mga Barangay, ang mga punong barangay sa lunsod ay pinaalalahanan ni Pangulong Gener B. Amante na pagkakalooban ng laya ang lahat ng pangkat ng kandidato na makapamahayag sa nasasakupan ng kanilang pananagutan.At napatunayan na sa nakaraan na ang pinunong nayon sa sakop ng Lunsod ng San Pablo ay “civil” at demokratiko, at simula noong halalan noong 1987, pagkalipas ng Rebolusyon sa EDSA, ay walang karahasang nagaganap na maiuugnay sa pagkakaiba-iba ng paniniwalang pampulitika. (Seven Lakes Press Corps)

Sign Up Now!!!!

Sign up for PayPal and start accepting credit card payments instantly.

Disqus for Balitang San Pablo : Online