Ang nga nakabalik na OFW na San Pableño kapiling sina City Mayor Vicente B. Amante at City Administrator Loreto S. Amante |
SAN PABLO CITY – Sa flag ceremonies noong Lunes ng umaga, ay pormal na ipinakilala ni City Administrator Loreto S. Amante ang 35 Overseas Filipino Worker na pawang residente ng lunsod na ito na nabiyayaan ng Voluntary Repatriation Program ng Pamahalaan ng Pilipinas upang sila ay makauwi mula sa Tripoli, Libya kung saan kasalukuyang nagaganap ang pag-aalsa ng mga mamamayan, at pagkatapos nito sila ay inanyayahan ni Mayor Vicente B. Amante sa isang pag-aagahan na ginanap sa auditorium ng San Pablo City General Hospital upang doon sila ay pagkalooban ng cash assistance na P5,000, at commodity assistance na isang (1) kaban ng bigas bawa’t isa.
Napag-alamang si Mayor Amante ay may kinasundong isang recruitment agency na nakapag-deploy ng mga manggagawa sa Libya, upang bukod sa Embahada ng Pilipinas sa Tripoli, ay patuloy na ma-monitor kung may nalalabi pa sa Libya na San Pableño na nagnanais na ring makabalik sa Pilipinas.
Ang nabanggit na tulong ay karagdagan sa ipinangakong tulong ng Pangasiwaang Pambansa sa mga magbabalik na OFW mula sa Libya at iba pang mapapanganib na bansa paalaala ni Mayor Amante.
Ang isa sa mga nakauwi na nagpapasalamat sa tulong na ipinagkaloob ng pangasiwaang lunsod ay si Bb. Corazon A. Faraon ng Barangay VI-D na umalis ng bansa patungong Tripoli noong Hulyo 4, 2010, na nakauwi at dumating sa Ninoy Aquino International Airport noong Huwebes, Marso 17, sapagkat biglaan ang kanyang ginawang pag-uwi kaya halos ay wala siyang nadala, at ang tinanggap niyang cash assistance ay makatutulong para magkaroon ng kapanatagan ang kanyang kaisipan na mabili ang ilang pangunahing pangangailangan tungo sa normal na pamumuhay.
Ang ilan sa nakilala ng may ulat nito na nakabalik mula sa Libya, na halos ay pawing iilang buwan pa lamang na nagkatrabaho roon ay sina Nelson Lubi Madriadano ng Santa Cruz (Putol), Melba T. Espiritu ng Santa Maria Magdalena; at Gregorio Prudenciado ng San Diego, na pawing may malulungkot na karanasan, at nagpapasalamat dahil sa ligtas silang nakabalik sa kanilang mahal sa buhay. Ayon sa kanila, ngayon nila nadama na may isang pamahalaang nagmamalasakit sa kaniyang mga mamamayan. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment