SAN PABLO CITY – Hanggang noong kalagitnaan ng Taong 2008, marami ang nagtatanong kung ano iyong papatumbang pananda (o obelisk) sa may katapatan ng Girl Scouts Headquarters Building sa Doña Leonila Park. Ang nabanggit na pananda ay tuluyan ng nawala ng ipatayo ang isang bagong gusali sa loteng kinatatayuan nito.
Sa kabatiran ng mga kabataan, ang nabanggit na disappearing obelish ay ipinatayo at pinasinayaan noong Marso 29, 1951, bilang alaala sa mga pinuno at kawal ng 27th Philippine Constabulary Company na nasawi sa pakikipaglaban sa isang pangkat ng Hukbong Magpapalaya sa Bayan (HMB) o ang sandatahang lakas ng Partido Komunista noon na lumusob sa kalunsuran noong madaling-araw ng Miyerkoles, Marso 29, 1950.
Ang mga nasawi na inaalaala ng obelisk ay si Major Leopoldo Amutan Alicbusan, company commander, at mga tauhang sina S/Sgt. Cenon Salvador, Sgt. Atanacio Maliberan, at Pfc Cipriano Panquito, nang salubungin nila ang lumulusob na kalaban ng kapayapaan sa may MRR Crossing sa may Bagong Pook, na noon ay hindi pa lubhang marami ang naninirahan, upang mailigtas ang mga sibilyan sa mga ligaw na bala o crossfire.
Ang batong pananda para sa alaala ng apat (4) na bayani ay ipinatayo ng pangasiwaang lunsod sa pamamatnugot ni Mayor Marciano E. Brion Sr. na pinasinayaan noong Marso 29, 1951, at nadalaw ni Pangulong Ramon F. Magsaysay noong madaling-araw ng Marso 29, 1954 dahil sa kanyang ugaling maglibot sa mga lalawigan kung gabi na sakay lamang sa ordinaryong sasakyan ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.
Isinilang sa Bayan ng Calamba noong Oktubre 12, 1912, si Major Leopoldo Amutan Alicbusan ay nasawi sa gulang na 37 taon, limang buwan, at 17 araw, at ang naiwanan niyang balo na si dating Gregoria Carandang ay namayapa noon lamang Taong 1994.sa gulang na 80 taon sang-ayon sa panganay na anak na si Adoracion C. Alicbusan-Virtucio. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment