ALAMINOS, Laguna – Simula ng ipatigil ni Alkalde Eladio M. Magampon ang pagtatapon sa open dumpsite sa malapit sa Tulay ng Sabang sa may Barangay San Miguel, ay kapansinpansin na nabuhay ang ilog sa laylayan nito, at sang-ayon kay Konsehal Jimmy M. Banzuela, na residente ng Barangay San Miguel, ay nagsimula ng mapanghulihan ng dalag, tilapia at hito na ang kulay ay maitim na namumulamula na sang-ayon kay Chairman Regalado Manalo ng Municipal Agriculture and Fishery Council ay nangangahulugang malinis na ang dumadaloy na tubig dito.
Magugunitang ang bayang ito ay tumatanggap na ng fingerling mula sa pangasiwaang panglalawigan, simula nang ipatigil ang operations sa dumpsite sa may Tulay ng Sabang, sapagka’t noong ang nabanggit na dumpsite ay ginagamit pa bilang tapunan ng basurang natitiponsa Poblacion, ang tubig ay namumuti, malabo at may masamang amoy, kaya ang mga residente ay nandidiring ito ay iluto at kainin.
Katunayang matataba ang tilapiang nabibingwit sa ilog sa dakong likuran ng Barangay San Miguel, nabanggit ni Konsehal Banzuela na ang mabangong amoy na nagmumula sa iniiihaw na tilapia ay nalalanghap ng mga kapitbahay ng nag-iihaw nito.
Napag-alaman pa mula kay Banzuela na kasalukuyan nilang pinatatatag ang isang organisasyon ng mga magsasaka sa bayang ito, at ang mga kasapi ay sumailalim na ng premembership seminar upang mabigyan daan ang pagtatatag ng isang farmers’ cooperative, na siyang pagkakatiwalaang magpakilos ng Proposed Municipal Vegetable Trading Center. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment