San Pablo City -Ang National Food Authority-Laguna Provincial Office ay nag-aanyaya sa lahat ng mga magsasaka na magbili ng kanilang inaaning palay sa kanilang tanggapan sa halagang P17.00 bawa’t kilo ng malinis at tuyong butil, na may karagdagang pitumpong sentimos (P0.70) bawa’t kilo para sa mga sumusunod: P0.20 para sa pagpapatuyo na ang moisture content ay 14% o mababa; P0.20 para sa paghahatid ng palay sa itinalagang bodega; at P0.30 para sa Cooperative Development Incentive Fee (CDIF) kung ang magsasaka ay miyembro ng isang kooperatiba
Ang CDIF ay para sa kooperatiba na magagamit sa pagpapaunlad ng kanilang kagamitan, tulad ng pagsasaayos ng ricemill, pasilidades sa pagtutuyo ng butil, pagbili ng mga testing and weighting equipments.
Sang-ayon kay Provincial Manager Ramoncito H. Padilla, ang kanilang itinatalagang buying station ay ang kanilang GID I at GID II Warehouses dito sa Barangay San Ignacio, San Pablo City, at sa Villmill Warehouse, at Victoria III Warehouse na kapuwa nasa Calauan, Laguna.
Nagpapaalaala si Padilla na ang NFA ay maaaring bumili ng palay sa mga maliliit na magsasaka o individual farmer sa pasubaling ang ani lamang sa lawak na hanggang pitong ektarya ang maaari nilang bilihin o sa kabalikat nilang mga kooperatiba ng mga magsasaka o organisasyon ng mga may-ari ng mga lupang sakahan. Mula sa mga walk-in farmer ay hindi dapat humigit sa 100 sako ng palay ang maaari nilang bilihin sa bawat panahon ng taniman.
Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa mga pangangailangan (requirements) na dapat isaayos bago makapagbili ng palay sa NFA, makipag-ugnayan sa NFA Laguna Provincial Office sa Barangay San Ignacio, San Pablo City o tumawag sa telepono bilang (049)8000-568; (049)562-3161 at (049) 573-0305 kung saan magagandang tinig ang doon ay tutugon upang ang mga mamamayan ay mapaglingkuran. (NFA/Annabelle Oncinian)
Comments
Post a Comment