Upang maging ligtas sa tigdas o measle ang mga Batang Pabloy, magkaugnay na nanawagan sina City Administrator Loreto S. Amante at City Health Officer Job D. Brion sa lahat ng mga Barangay Nutrition Scholars (BNS) at mga Barangay Health Workers (BHW) sa lunsod na ito ay tuwirang makipagtulungan sa pagsasagawa ng malawakang pagbabakuna laban sa tigdas o measles vaccination drive simula ngayong Abril 4, araw ng Lunes, hanggang Mayo 4, araw ng Miyerkoles
Bilang isang pambansang palatuntunang pangkalusugang itinataguyod ng Department of Health, nabanggit ni City Administrator Loreto S. Amante na ang pagbabakuna ay isasagawa mismo sa barangay batay sa isang pangkalahatang schedule na inihanda ng tanggapan ni Dr. Job D. Brion, kaya magiging malaking tulong ang pakikiisa ng mga barangay nutrition scholar (BNS) at ng mga barangay health worker (BHW) para maabisahan ang mga ina ng tahanan sa barangay na dadalawin ng vaccination team ng City Health Office, na magsasadya sa kanilang mismong tahanan upang doon isagawa ang pagtuturok ng bakuna.
Para sa katiyakang ang lahat ng kakailanganing mabakunahan laban sa tigdas ay mababakunahan, ang pagbabakuna ay isasagawa ng bara-barangay, bahay-bahay, at door-to-door pa para sa mga naninirahan sa mga apartment at condominium, paalaala pa ni Amben Amante. Ang vaccination team ay magbabahay-bahay.
Sa panig ni City Health Officer Job D. Brion, kanyang nasabing ang tigdas ay sanhi ng measle virus, kaya ito ay mabilis makahawa. At ang sintomas nito ay pagkakaroon ng lagnat, sipon, at ubo. Namumulang mata, at mga namumulang butlig sa buong katawan.
Pagtatae. Impeksyon sa loob ng tenga. Pulmonya. Impeksyon sa utak. Malnutrisyon. At pagkabulag, ang mga nakikitang kumplekasyon ng sakit na tigdas, sang-ayon kay Dr. Brion.
Upang maiwasan ang pagkakasakit ng tigdas, ang payo ni Dr. Brion ay pabakunahan ang batang may siyam (9) na buwang gulang laban sa tigdas, at bigyan ng Vitamin A capsule matapos na mabakunahan, at ang bata ay dapat na lagging ipasusuri sa pinakamalapit na health center para ang mga nagsisipag-alaga sa bata ay mapayuhan sa tamang pangangasiwa sa kalusugan ng kanilang alaga. (Ruben E. Taningco)
ok lang ba ma double ang bakuna para sa tigdas?
ReplyDelete