LOS BANOS, Laguna – Sa layuning mapangalagaan ang pinasisiglang industriya ng turismo sa bayang ito, tulad sa mga Lunsod ng Calamba at Tanauan, nabatid mula kay Mayor Anthony F. Genuino, na sa tulong ng mga food scientist ng Department of Science and Technology-Region IV-A, ay sumailalim ng mga tanging pagsasanay sa tamang paghahanda at pangangasiwa ng pagkaing ipinagbibili sa publiko ang mga street vendor, at ang mga tauhan ng maliliit na kainan sa bayang ito.
Isang katotohanan na ang malaking bahagi ng lupain sa hurisdiksyon ng bayang ito ay sakop ng Bundok Maquiling o public land, at sa labas ng kinikilalang public land ay mga government land o pag-aari ng gobyerno para sa operasyon ng mga institusyon ng pamahalaan, tulad ng University of the Philippines at Los Baños, mga research center ng Department of Science and Technology, ng Department of Agriculture, at ng Department of Education na pawang hindi ipinagbabayad ng buwis, kaya dapat na ang pangasiwaang munisipal at ang tanging malaki ang potensyal ng bayang ito ay ang pagpapaunlad ng industriya ng turismo para may mapagkakitaan.
Sa ulat ni Mayor Anthony Genuino, kanyang pinahahalagahan ang tanging malasakit ni Dr. Alexander R. Madrigal, bilang Regional Director ng DOST-CALABARZON, na siyang bumalangkas ng tamang course of study para sa Upgrading of Street Food Vending Through Seminar Training on Meal Management and Food Handling, na isang malaking pangangailangan sa bayang ito, dahil sa araw-araw ay may mga “foreigner” o mga taga-ibang bansa na dumadalaw sa mga science institution dito, bukod pa sa mga graduate student na pansamantalang naninirahan sa bayang ito para magpakadalubhasa sa iba’it ibang disiplina ng kaisipan, na sang-ayon kay dating Alkalde at ngayon ay Bise Gobernador Caesar P. Perez ay “We have here in Los Baños a small global community.”
Bilang isang pinunong bayan na may malayong pananaw, iniulat ni Mayor Genuino na pagka-upo niya ay kanya agad binalangkas ang Municipal Risk Reduction and Disater Management Council na iniaatas ng Batas Republika Bilang 10121 na binalangkas ng 14th Congress at pinagtibay ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bago bumaba sa katungkulan, upang mapaghandaan ang mga magiging epekto ng kalamidad sa bayang ito, tulad ng pagguho ng lupa o landslide sa ilang dahilig na lugar, malalaking pagbaha mula sa mga gulod sa laylayan ng Bundok Maquiling, at maging ang pagtaas ng tubig sa Laguna de Bay na apektado ang ilang coastal barangay dito.
Bahagi ng palatuntunang pangkaligtasan at pangkapanatagan ni Mayor Anthony F. Genuino ang pagtiyak na ang mga resort ditto ay may mga nakalagang lifesaver and first aid team sa bawa’t pagkakataong sila ay may pinapapasok na mga panauhin, at ang kanilang kitchen facilities ay nakatutugon sa pamantayang itinatakda ng Code on Sanitation of the Philippines.
Sa dahilang may mga resort and hotel establishment dito na nagdi-display ng Philippine Flag, may tagubilin din si Mayor Genuino na titiyaking ang pagtataas at pagbababa ng bandila ayisinasagawang may paggalang at naaayon sa alituntuning itinatakda sa Flag and Heraldic Code of the Philippines o Batas Republika Bilang 8491.
Dahilan sa geological characteristic ng bayang ito, nabanggit ni Consultant Leozardo Pantua ng Municipal Environment and Natural Resources Office na totohanan ang hangarin ni Mayor Genuino na magawang luntian ang kabuuan ng bayang ito bilang isang nature city, at higit sa lahat, bilang isang tourist town, ay magawang ang accommodation facilities para sa dumadalaw na turista ay nakatutugon sa pamantayang internasyonal. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment