Sa isang pakikipanayam kay FiremanInspector Cornelio Puhawan, Officer-in-Charge ng Office of the City Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection kamakailan, napag-alamang ipinagbabawal ng mga umiiral na alituntunin ang pagtitingi ng gasolinang tinatakal sa botelya ng soft drink, na ang mga suki ay ang mga tricycle driver, sapagka’t ito di-umano ay labag sa mga alituntuning pangkaligtasan laban sa sunog, at maging ang kalusugan ng nagsisipagtinda nito ay nalalagay sa panganib dahil sa nalalanghap nila ang singaw mula sa gasolina na makasasama sa kanilang baga.
Ayon kay Insp. Puhawan, maganda ang natanggap niyang feedback na ang pangangasiwa ng Iglesia Ni Cristo sa Lokal ng San Pablo City ay nagtatagubilin sa kanilang mga kapatid na iwasan ang pagtitingi ng gasolina na tinatakal sa bote, at iwasan din ang pagtitinda ng liquefied petroleum gas (LPG) kung walang store room na sadya para rito, dahil sa ito ay mapanganib na pagmumulan ng sunog, at banta sa kalusugan ng mga nagsisipagtinda nito. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment