Pinaghahandaan ngayon ng National Statistics Office (NSO) ang paglikom ng datos na naaukol sa kalakalan ng bansa na tinatawag na Annual Survey of Philippine Business and Industry (ASPBI). Sisimulan ang pamamahagi ng questionnaires sa ika-1 ng Abril 2011.
Ang ASPBI ay taunang gawain ng NSO simula pa noong taong 1956 na sinimulan sa kalakalan ng paggawa ng mga produkto sa bansa na may katawagang 1956 Annual Survey of Manufactures. Ang 2010 ASPBI ay naglalayong makakuha at makaipon ng impormasyon buhat sa gawaing pangkabuhayan ng bansa na kinabibilangan ng ibat-ibang uri ng sektor ng pangangalakal. Ito ay ang mga sumusunod: Agriculture, Forestry and Fishing; Mining and Quarrying; Manufacturing; Electricity, Gas, Steam and Air Conditioning; Water Supply, Sewerage, Waste Management and Remediation; Wholesale and Retail Trade and Repair of Motor Vehicles and Motorcylces; Accommodation and Food Service Activities; Information and Communication; Financial and Insurance Activities; Real Estate Activities; Administrative and Support Service Activities; Education; Health and Social Work; Arts, Entertainment and Recreation; at Other Service Activities.
Ang tama at napapanahong impormasyon ng negosyo ay magsisilbing batayan ng pamahalaan at pribadong sektor upang masuri ang estraktura ng industriya at mataya ang kalagayan ng kalakalan; makapagsagawa ng epektibong plano at matatag na desisyon para sa kalakalan at makapagbalangkas at makapag-monitor ng mga polisiya tungo sa pagkakamit ng katatagan sa gawaing pangkabuhayan.
Ang datos ng ASPBI ay ginagamit ng National Statistical Coordination Board para sa pagtataya ng National Accounts. Ginagamit din ito ng mga research institutions at panlabas na samahan tulad ng United Nations Industrial Development Organization, World Bank, International Labor Organization, Asian Development Bank, negosyante at mag-aaral sa pagsusuri ng kalakalan ng bansa.
Karagdagan sa ASPBI ay ang 2010 Survey on Information and Communication Technology (SICT). Ito ay gagawin upang makalikom ng detalyadong impormasyon sa pagkakaroon, pamamahagi at paggamit ng teknolohiya sa impormasyon at komunikasyon ng mga kalakalan at industriya sa bansa. Makapagtataya din sa survey na ito ang bilang ng gumagamit ng internet, pagkakaroon ng website, kita ng establisemento na nanggaling sa e-commerce transactions o mobile cellular phones at pag-alam kung paano ang paraan ng pagbabawas ng ICT equipment.
Pangungunahan ni Provincial Statistics Officer (PSO) Magdalena T. Serqueña ang pagsasanay sa mga tauhan ng NSO-Laguna upang maging maayos at mabilis na maipamahagi at maibalik ang questionnaires ng ASPBI at SICT sa mga piling establisemento sa buong lalawigan ng Laguna. Hinihingi din ni PSO Serqueña ang pakikiisa ng mga may-ari o pinuno ng bawat bahay kalakalan sa gawaing ito upang mabilis na maitala ang mga datos na kinakailangan sa mga susunod pang pag-aaral na nauukol sa pangangalakal. (NSO-Laguna)
Comments
Post a Comment