Kaugnay ng paksa ng palatuntunan ng pagtatapos sa mga paaralang publiko sa bansa na “Ang Mga Magsisipagtapos: Kaagapay Tungo Sa Pagbabagong Anyo Ng Lipunan. Tugon Sa Hamon Ng Sambayanan,” ipinaalaala ni Dr. Marissa Villafuerte Romero, isang Supervising Science Research Specialist at hepe ng Rice Chemistry and Food Science Division ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) na naka-base sa Barangay Maligaya sa Science City of Muñoz sa Nueva Ecija, na magiging makatotohanan lamang ang temang ito kung mapagyayaman ng bata sa kanyang kaisipan ang pagpapahalaga sa courage o tapang na salungahin ang maalong agos ng buhay sa lipunang kanyang ginagalawan; hardwork o pagkamasipag at pagkamatiyaga sa kanyang pag-aaral, at kung tumanda na ay sa paghahanapbuhay, at huwag malulungkot kung may mga pagkakataong mang siya ay nabibigo; aspiration o pagkakaroon ng mataas na ambisyon at pangarapin, sapagka’t ito ang mga kaasalang nagtutulak sa isang tao upang mapagsumakitang matamo ang kanyang mga pangarapin sa buhay; novelty o pagsasakit na siya ay mapaiba upang umako ng pansin at pagpapahalaga sa lipunang kanyang ginagalawan; God-fearing o pagkakaroon ng Banal na Takot sa Dios, at ganap na paglalagak ng kanyang pagtitiwala sa magagawa ng Ama lalo na at siya ay lumalakad sa matuwid na daan ng buhay; at excellence o pagsisikap na ang ano mang kanyang ginagawa ay nakatutugon sa mataas na pamantayan para sa partikular na gawain o larangan, kaya siya ay nangunguna at nagiging mabuting halimbawa para sa iba.
Si Dr. Marissa Villafuerte Romero na isinilang at lumaki sa kapaligiran ng Barangay II-B, at nagtapos ng kursong elementarya sa Ambray Elementary School noong Taong Panuruan 1989-1990 na matapos makapag-aral sa Estados Unidos sa larangan ng paghahalaman ng palay, ay isa ngayong mananaliksik sa Philippine Rice Research Institute na ang pinagtutuunan ng kanyang pag-aaral ay ang pagsasakit na ang bigas ay maging daan upang maitaas ang antas ng nutrisyon ng mga kabataan, ay siyang naging panauhing pandangal at pangunahing tagapagsalita sa palatuntunan ng pagtatapos ng paaralang kanyang pinagtapusan o Alma Mater noong nakaraang Biyernes ng umaga, Abril 1, 2011, at isang pagkakataon, na ang kasalukuyang punong guro ng Paaralang Elementarya ng Ambray ay kanyang kababata at kamag-aaral na si G. Rodel Baclig.
Ayon kay G. Baclig, kanilang inanyayahan si Dr. Romero sa dahilang ang kanyang talambuhay ay maitutulad sa mga episode na pinapaksa ng Palatuntunang Maalaala Mo Kaya (MMK) kaya siya ay magandang modelo para sa kanyang mga kabarangay, na nagpapatunay na ang pagiging anak-mahirap ay hindi dapat maging dahilan upang siya ay huwag ng magsikap na makaalis sa kahirapan, na hindi naman nalilimutan ang pamayanang kanyang nakalakihan.
Magugunitang si Dr. Marissa V. Romero ay kinilala bilang isa sa 11 kababaihang napili bilang “The Outstanding Women in the Nation's Service (TOWNS) for 2010” na ang nag-abot ng gawad sa isang palatuntunang ginanap sa Malacañang noong nakaraang Nobyembre ay mismong si Pangulong Benigno C. Aguino III. Siya ay kinilala sa larangan ng Siyensya at Teknolohiya. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment