SAN PABLO CITY – Nagpapaalaala si City Environment and Natural Resources Officer Ramon R. de Roma na ipinatutupad dito sa Katimugang Tagalog ang tadhana ng Batas Republika Bilang 9147, na lalong kilala bilang “The Wildlife Conservation and Protection Act of 2001” na ang layunin ay mapangalagaan ang buhay-ilang sa bansa, lalo na ng mga ibon at hayop na ang lahi ay halos nalilipol na.
Inakda ni Congressman Nereus Acosta ng Bukidnon, ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001 o RA 9147 ay isa sa mga makabuluhang batas na pinagtibay ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ang layunin ay mapangalagaan ang katatagan ng lahi ng mga katutubong ibon at hayop sa mga kagubatan ng bansa. Ang batas ay nagbabawal din ng pagpapasok o pagpapakawala ng mga buhay ilang o wildlife na hindi likas sa pinangangalagaan kapaligiran upang mapangalagaan ang kadalisayan ng lahi ng mga katutubong ibon.
Nakatadhana sa batas ang kapangyarihan ng hukuman na ilapat ang pagkabilanggong hindi hihigit sa 12 taon sa mga lalabag nito, at ang multa ay maaaring umabot sa P1—milyon batay sa antas ng nagawang paglabag, paalaala ni de Roma.
Dito sa mga Lalawigan ng Laguna at Quezon, ang karaniwang hinuhuling ibon para kalakalin ay kulasisi. Naipapasok din dito ang mga ibong at natatanging hayop na huli sa mga islang lalawigan, kasama na ang mula sa Palawan.
Paalaala ni de Roma maging ang mga pribadong mamamayan ay dapat makipagtulungan upang maayos na maipatupad ang mga tadhana ng Batas Republika Bilang 9147 sa pamamagitan ng pagpaparating sa pinakamalapit na tanggapan ng DENR, o sa mga estasyon ng pulisiya ng kanilang napapansing mga taong nangangalakal ng mga natatanging ibon, tulad ng mynah, loro, at mga hayop na hindi karaniwang nakikita sa pamilihan, sa ilalim ng kaisipang ang pangangalaga sa buhay-ilang o wildlife, ay pangangalaga ng kapaligiran upang matiyak ang katatagan nito sa mga taong hinaharap.
Ipinagugunita rin sa lahat na ang tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources-Region IV-A (CALABARZON) ay nasa DEMCRIS Business Center sa kahabaan ng national highway sa Barangay Halang, sa Calamba City. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment