ALAMINOS, Laguna – Bilang isang dating Municipal Health Officer sa isang bayan dito sa Laguna, na nagkaroon din ng pagkakataong makapagpraktis ng medisina sa Estados Unidos, natalakay ni Mayor Eladio M. Magampon sa may ulat nito ang kahulugan at halaga ng imunisasyon, na tinatawag ding pagbabakuna o inukulasyon, na isang pamamaraan upang mapasigla ang likas sa katawan ng tao upang malabanan ang pagkakaroon ng ispisipikong sakit o karamdaman. Ito ay gumagamit ng microorganisms o bacteria o viruses na nadalisay na. Ang mga nadalisay na microorganism ay hindi nagiging dahilan ng sakit, sa halip, pinasisigla nito ang immune system sa katawan upang makapagtatag ng depensa o pananggalan sa pagpasok sa katawan ng mga bacteria o viruses na nagiging sanhi ng karamdaman.
Ayon kay Dr. Magampon, ang imunisasyon ay nakakabawas ng malaki sa insidente ng nakamamatay na mga sakit. Halimbawa, ang pandaigdigang palatuntunan sa pagbabakuna na itinaguyod ng Rotary International sa inisyatibo ng World Health Organization ng United Nations, ay nakatulong upang halos ay malipol ang bulutong o smallpoc noong Taong 1980. Ang imunisasyon o pagbabakuna ang nakapagpababa sa insidente ng diptheria, ng poliomyelitis, at maging ng tinatawag na neonatal tetanus na sanhi ng kamatayan ng maraming sanggol.
Sa mga mauunlad na mga bansa ay naibaba ng 95% ang insidente ng Haemophilus influenza Type B Meningitis noong 1988, dahil sa ang nakararami sa kanilang mga sanggol ay napagkalooban ng angkop na bakuna bago sumapit ang kanilang ika-2 taon.
Napapanahon kung ganoon ang paalaala ni ayor Eladio M. Magampon, na ang mga bata ay dapat pabakunahan laban sa Hepatitis B sa pagkapanganak dito, na uulitin pagsapit ng ika-isang buwang gulang; at sa ika-pitong buwang gulang. Ang bakuna ayon kay Dr. Magampon ang pinakamadali, pinakamabisa, at pinakamurang paraan upang maiwasan ang “Liver Cancer.”
Sa Lunsod ng San Pablo, nabatid mula sa City Health Office na patuloy ang implementasyon ng kanilang palatuntunan ng pagbabakuna sa mga bata na itinatagubilin ng Department of Health, kaya walang dahilan upang ang mga sanggol na isinisilang sa lunsod na ito ay hindi mababakuhan o mapangangalagaan sa tulong ng imunisasyon o inukulasyon. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment