Kaugnay ng suliranin ng maraming barangay sa bansa na walang nagsipagkandidato sa para maging kagawad ng sangguniang kabataan, napag-alaman mula kay Dr. Florida M. Dijan, Assistant Regional Director ng DILG-Region IV-A na ito ay dapat punuan sa pamamagitan ng isang Special Election gaya ng itinatagubilin ng sa Section 435(a) ng Local Government Code of 1991 o Batas Republika Bilang 7160.
Kung wala pa ring maghangad ng tungkulin o walang nag-file ng certificate of candidacy upang lumahok sa special election na itinatakda sa ispisipikong barangay, nabanggit ni Dr. Dijan na ang bakanteng posisyon sang-ayon sa batas ay dapat italaga ng Pangulo ng Bansa, at upang ito ay praktikal na maisagawa, minarapat ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noon pang Enero 12, 2007 na pagtibayin ang Administrative Order No. 168 na ipinagkakatiwala ang pagtatalaga sa mga kagawad ng sangguniang kabataan sa Kalihim ng Interyor at Pamahalaang Lokal.
Kaugnay ng kapangyarihang ito, si Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno ay pinalabas ang Memorandum Circular No. 2007-050 noong Abril 30, 2007 na magsisilbing gabay sa mga City or Municipal Local Government Operations Officer para mapangasiwaan ang tamang proseso ng pagpili ng mga itatalagang opisyal ng sangguniang kabataan.
Ayon kay Nini Dijan, ang special eleksyon ay dapat isagawa pagkatapos na ang mga halal na opisyales ng sangguniang kabataan ay pormal na umupo sa katungkulan o pagkaraan ng Nobyembre 30, 2007, at hinihintay na lamang ang tagubilin ni Kalihim Puno para sa mga ispisipikong petsa kung kailan isasagawa ang tanging halalan para mapunuan ang mga bakanteng posisyon sa sangguniang kabataan sa bawa’t kinauukulang barangay sa bansa.
Samantala, nagpalabas ng Memorandum si Director Jose Emeterio Moreno ng Legal Service ng DILG, upang ipaunawa sa lahat ng mga kinauukulan na ang halalan para sa Liga ng mga Barangay at Pederasyon ng Sangguniang Kabataan, sa antas ng munisipyo, o lunsod, o lalawigan ay isasagawa sa nalolooban ng 30 araw matapos na sila ay pormal at opisyal ng magsimula na ng panunungkulan bilang mga pinunong barangay.
Sa ilalim ng umiiral na kalalagayan, ang halalan ay magaganap sa nalolooban ng Buwan ng Disyembre ng 2007. (BENETA News)
Comments
Post a Comment