Sa pamamagitan ng mga streamer na naka-display sa iba’t ibang elementary school and high school units sa lunsod na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Division of San Pablo City, nagpapaalaala si City Schools Superintendent Ester C. Lozada na ang lahat ng mga magpapatala sa Pre-School o Kindergarten, at sa Grade I to Grade IV na sila ay walang dapat bayarang kontribusyon mula sa pagpapatala at sa buong taong panuruan. Samantala, ang lahat ng mga nagsipagpatala sa Grade V at Grade VI sa elementarya, at sa First Year hanggang Fourth Year sa sekondarya, simula sa Buwan ng Hulyo, ay maaaring magbayad ng Boluntaryong Kontribusyon para sa membership sa Girl Scout, sa Boy Scout, sa Red Cross, sa Anti-TB, sa school publication, at sa student organization. Nabanggit ni Bb. Ester C. Lozada na ang batayan ng pinalabas niyang babala ay ang Department of Education Order No. 19, Series of 2008. ( RET )