Ayon kay Plopinio, ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay isa sa limang-haligi ng Sistema ng Katarungan Para sa mga Kriminal o Criminal Justice System. Ang kanilang pangunahing pananagutan ay mapangalagaan ang kagalingan ng mga napipiit samantalang sumasailalim ng pagsisiyasat o mga pagdinig; naghihintay na mahatulan sa usaping kanilang kinasasangkutan; at yaong mga naparusahan ng hindi hihigit sa tatlong (3) taon. Pananaw nila na ang BJMP ay maging isang masiglang institusyon na may mataas na pagpapahalaga para matugunan ang makataong pangangalaga at pagpapaunlad sa mga napipiit, at kanilang tinitiyak na ang pagkakaloob ng makataong pangangalaga at pagpapaunlad ng mga napipiit ay nagaganap sa lahat ng antas ng piitan o maging ito ay pandistrito, o panglunsod, o pangmunisipal.
Minarapat ni Jail Chief Inspector Wilmon T. Plopinio na kamakailan ay anyayahan si Plant Propagator Renato A. Belen, na kamakailan lamang ay napiling isa sa mga Namumukod Tanging San Pableño, upang ang mga bilanggo ay turuan sa pagtatanim ng iba’t ibang gulay sa paraang ito ay pinatutubo sa tubig o hydroponic system.
Iminumungkahi ng mga eksperto sa produksyon ng gulay ang sistemang hydroponic upang makatiyak na ang maaaning gulay ay ligtas sa mga nakalalasong kemikal, at nakatutulong pa ito upang mapangalagaang malinis ang kapaligiran sapagka’t ang tubig ay dapat na malinis at ang napapahalo lamang ay ang mga sustansyang kinakailangan ng halaman para ito ay maging malusog at masaganang mapag-aanihan.
Sa tulong naman ng mga farm technician ng Office of the City Agriculturist, ang mga inmates ay napaturuan din ni Plopinio ng container gardening o pagtatanim ng iba’t ibang gulay sa mga basyong lata, plastic, syrofoam boxes o ano mang sisidlang maaaring kumandong ng lupang taniman o potting materials, na angkop sa mga tahanang gipit sa espasyo ang loteng kinatitirikan.
Comments
Post a Comment