Iniulat ni Dra, Marivic L. Guia, ang nakatalagang tagapag-ugnay ng palatuntunan laban sa tuberkolusis sa lunsod, na ang isa sa susi ng tagumpay laban sa sakit na datirati ay siyang nagiging sanhi ng kamatayan ng marami ay ang mahigpit na pagpapatupad ng Directly Observed Therapy System (DOTS) sa lahat ng apektado ng karamdaman sa lahat ng barangay sa Lunsod ng San Pablo.
Ang lahat ng health center sa lunsod ay malapit lamang kahit sa pinakaliblib na tahanan, kaya bukod sa pagsasadya sa klinika ng pamahalaan, ang mga tahanan ng mga kinapitan na ng sakit na tuberkolusis ay madaling nadadalaw ng mga barangay health workers na nakatutulong upang maging epektibo ang Family DOTS.
Sapagka’t ang pag-inum ng gamot ay sa loob ng anim (6) na buwan, nabanggit ni Dra. Guia na ang mga kasambahay ng mga pasyenteng sumasailalim ng gamutan ay nagsisilbing mga tagapagpaalaala sa oras ng pag-inum ng gamot,
Nabatid mula kay Dr. Guia na may mga pasyenteng nagsasabing ang kanilang mga anak na naturuang bumasa ng oras sa relos ang nagiging makulit na tagapagpaalaala sa oras na sila ay dapat uminum ng gamut. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment