CAMP VICENTE LIM, Laguna - Alang-alang sa “matatag na paninindigan at epektibong pakikipagtulungan sa pulisiya na nakatulong ng malaki sa pagtatagumpay ng pambansang pulisiya sa kanilang palatuntunan upang maiwasan ang krimen sa pamayanan,” si Santa Rosa City Mayor Arlene Arcillas-Nazareno ay pinagkalooban noong nakaraang Biyernes, Pebrero 8, 2008, ng plake ng pagpapahalaga, na ang mismong nag-abot ng gawad ay si Deputy Director General for Administration Jesus Ame Verzosa na siyang naging panauhing pandangal at pangunahing tagapagsalita sa pagdiriwang ng Ika-17 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Philippine National Police na ginanap sa kampong ito.
Napag-alamang simula ng manungkulan si Mayor Nazareno sa City Hall, ang himpilan ng pulisiya ay tinutustusan sa mga pangunahing pangangailangan nito, tulad ng mga kagamitang pampangasiwaan at pangtanggapan, gasolina para sa mga sasakyang pampatrulya, bala, pagkain, at iba pang mga guguling kinakailangan para sa maayos na operasyon ng pulisya sa pangangalaga ng kapayapaan at kaayusan ng kabuuan ng lunsod.
Sa inisyatibo ni Mayor Nazareno ay nakapagpatayo rin ang pangasiwaang lunsod ng isang state-of-the-art gymnasium kung saan ang 40 pulis ay sabaysabay na makakapag-ehersisyo para mapanatiling masigla sa pagkilos, bukod pa sa pagkakaloob ng sapat na pondo para makapagtayo ng isang 20-man Special Weapons and Tactics (SWAT) Team na kikilos sa CALABARZON. Kaya naman ang Santa Rosa PNP Station sa pamamatnugot ni P/Supt. Reymundo Oliquiano bilang Chief of Police ay ginawaran bilang “Best City Police Station” sa sakop ng PNP-Region IV-A. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment