Inaasahan ang pagdalo ni PhilHealth Acting President and Chief Executive Officer Lorna O. Fajardo sa nakatakdang Forum on Patients’ Rights and Responsibilities na gaganapin sa Riverview Resort and Conference Center sa Calamba City sa darating na Martes, Pebrero 19, 2008, simula sa ika-9:00 ng umaga na itataguyod ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), na iniuugnay sa pagdiriwang ng ika-13 Anibersaryo ng kanilang pagkakatatag, sang-ayon sa paanyayang tinanggap ng pahayagang ito mula kay Dr. Edwin M. Oriña, officer-in-charge ng PhilHealth-Region IV-A na may hurisdiksyon sa mga Lalawigan ng Quezon, Laguna, at Cavite.
Ang PhilHealth ay natatag sa bisa ng National Health Insurance Act of 1995 o Batas Republika Bilang 7875 na napagtibay noong Pebrero 14, 1995 na naglalayong mabigyan ng kaseguruhang pangkalusugan ang lahat ng mga Filipino, nasa loob o nasa labas man ng bansa.
Ang mga paksang tatalakayin ay ang mga pananagutan at karapatan ng pasyente sa Pananaw ng PhilHealth na ipagkakaloob ni Senior Vice President Madeliene R. Rivera, M.D.; sa Pananaw ng mga nasa Akademya na ipaglilingkod ni Prof. Nina Consorcia T. Castillo-Carandang; sa Pananaw mula sa Panig ng Batas na ipaliliwanag ni Atty. Leo O. Olarte; sa Pananaw ng Panig ng Philippine Medical Association na ang diskusyon ay gagampanan ni Dr. Jose A. Sabili; sa Pananaw ng mga Tagapangasiwa ng mga Pagamutan na ipauunawa ni Hospital Administrator. Carlo M. Brion ng San Pablo Doctor’s Hospital; at sa Pananaw sa Pagsusulong ng mga Karapatan at Pananagutan ng Pasyente na ipahahayag ni Dra. Edelina dela Paz. Si Dr. Noel Espellardo ang magiging tagapag-ugnay ng talakayan. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment