Ang pinagkalooban ng tulong na may kabuuang P15,000,000 ay ang Talaga Irrigation System sa Rizal na tumanggap ng P3,000,000; ang Calumpang Irrigation System sa Nagcarlan na pinagkalooban ng P3,000,000; Taytay Irrigation System sa Nagcarlan din na ang tinanggap ay P2,000,000; ang Prinza Irrigation System sa Calauan na P3,000,000 ang ipinagkaloob; ang Mabacan Irrigation System sa Calauan din na inabutan ng tseke para sa P1,000,000, ang San Isidro Irrigation System na pinagkalooban ng halagang P1,000,000; at ang Santo Angel Irrigation System na P3,000,000 ang tinanggap.
Mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) na tinanggap ng Tanggapan ni Congresswoman Ma. Evita R. Arago ay napagkalooban ang Barangay Kanlurang Kabubuhayan ng P500,OOO para ipaayos ang kanilang farm-to-market road; ang Barangay Sinipian ng P700,000 para magpatayo ng isang footbridge; at ang Barangay Banilad ng P500,000 para sa pagsasaayos ng mga gusaling pampaaralan. Ang mga barangay na ito ay nasa sakop ng Nagcarlan.
Sa Alaminos, ang Barangay 4 ay tumanggap ng P500,000 para sa pagpapatayo ng isang multi-purpose hall; sa Calauan, ang Barangay Masiit ay pinagkalooban ng P500,000 para mapaunlad ang kanilang farm-to-market road; sa Victoria ay Barangay Pagalangin ang tumanggap ng P700,000 para sa konstruksyon ng isang multi-purpose hall; at sa Rizal ay tumanggap ang Barangay Entablado ng P500,000 para sa pagpapaunlad ng kanilang water system.
Tatlong barangay sa San Pablo City ang tumanggap ng tulong. Para sa pagpapaayos ng Bulwagan ng Senior Citizen sa Cardil Village, ang Barangay Del Remedio ay pinagkalooban ng P700,000; ang Barangay Santa Isabel ay pinagkalooban ng P500,000 para sa pagpapaunlad ng kanilang paaralang elementarya; at P500,000 ang ipinagkaloob sa Barangay Atisan para sa pagsasaayos ng kanilang mga lansangang nayon.
Ang pinagkalooban ni Congresswoman Ivy Arago ng patrol vehicle ay 8 barangay sa San Pablo City; 3 barangay sa Nagcarlan, 2 barangay sa Alaminos, 2 barangay sa Liliw; at 2 barangay sa Calauan.
Nabanggit ni Congresswoman Ivy Arago na may mga pondo pang darating, lamang, hindi niya ito ipahahayag habang hindi pa niya natatanggap ang kaseguraduhan ito ay pinalabas na ng Department of the Budget and Management, sapagka’t hindi niya ugali ang bigyan ng maling pag-asa ang mga mamamayang kanyang kinakatawan.
Ipinahayag din ni Congresswoman Ivy Arago na alang-alang sa layunin niyang makahingi ng tulong mula sa pamahalaang pambansa, ay tinalikuran niya ang kanyang dating paninindigang tutol siya sa Constituent Assembly (Con-Ass), at kanyang pinasasalamatan na ang lahat ng Liga ng mga Barangay sa kanyang distrito, at maging ang mga pederasyon ng mga senior citizens association, at mga homeowners association ay nagpapadala sa kaniya ng mga resolution of support sa kanyang kapasiyahang umaayon kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa pananawagan sa pagbuo ng Constituent Assembly. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment