SAN PABLO CITY - May posibilidad na sa lunsod na ito manggaling ang susunod na Pangalawang Punonglalawigan o Vice Governor ng Laguna kung tuluyang tatanggapin ng isang city councilor ang alok ni Opposition Governatorial Aspirant at Pagsanjan Mayor Emilio Ramon P. Ejercito III na maging ka-tandem niya sa 2010 National and Local Elections.
Napag-alamang kasalukuyang komukunsulta na si Konsehala Ellen Teodoro Reyes sa kanyang mga taga-suporta, tulad ng grupo ng mga kababaihan, mga Non-Governmental Organizations, at People’s Organization, gayon din sa mga senior citizens, youth sector at mga loyalistang tagapagtaguyod upang makatulong sa gagawin niyang pagpapasya.
Isang lider sibiko, si Reyes na tagapagsulong ng mga adbokasiyang pangkababaihan bago nahimok na pumalaot sa politika kung saan ang mga makabuluhan niyang gawain ang tumayong matibay niyang sandigan upang mahalal na konsehal ng lunsod.
Bilang isang city councilor ay personal na pinamahalaan ni Reyes ang
Ang naturang center ay nagbibigay ng pagsasanay at nagtuturo ng iba’t-ibang kursong bokasyonal sa mga nasa sektor ng kababaihan at kabataang hindi na nagsisipag-aral, na sa ngayon ay umabot na sa 8,000 ang mga nakapagtapos at natulungan magkaroon ng hanap-buhay. Dahil dito ay naging susi si Reyes sa pagkakatatag ng Gender and Development Center sa lunsod.
Ilang lider kababaihan ang nagsabi na muling naulit ang kasaysayan sa buhay ni Reyes bilang reluctant candidate, ang una ay ang paghimok na tumakbo siyang konsehal at ang kasalukuyang alok na pagkandidato bilang Bise-Gobernador, subalit kilala na anila si Ellen Teodoro Reyes na hindi marunong umurong at tumalikod sa malawak na responsibilidad.
Si Ellen Teodoro Reyes ay may PhD on Social Development mula sa isang kilalang unibersidad kung kaya’t sa kanyang mga adbokasiya ay higit niyang pinahahalagahan ang kapakanan ng tao mula sa kalusugan ng mga sanggol sa sinapupunan hanggang sa paghubog sa mga kabataan na maging mabuting mamamayan. Taglay ni Reyes ang katangiang dapat taglayin ng isang tagabalangkas ng batas at kapasiyahan, at karanasan bilang punong tagapagpaganap upang mapangasiwaan ang isang tanggapan ng isang tagapangulo ng kapulungan, o she possesses the right knowledge, skills, and experiences to lead and administer a lawmaking body. (SLPC/Sandy Belarmino)
Comments
Post a Comment