Binigyang diin ni Mayor Vicente B. Amante na “Edukasyon ang Sandata ng Katahimikan” at sandigan sa ikapagkakaroon ng pamayanan maunlad at matatag na hinaharap. Ito umano ang nasa kaisipan ni Gat Andres Bonifacio, na dahil sa kahirapan ay hindi nakapagpatuloy na makatapos ng high school sa pamantayan ng edukasyon noon, subalit sinikap na matamo niya ang mga pangunahing kamalayan sa pangangasiwa o basic education on management and leadership sa pamamagitan ng pagbabasa at pakikipanayam sa mga negosyante sa Maynila na nakatulong ng malaki upang mahubog ang sarili upang maging matalinong lider ng himagsikan. Ito ang naging buod ng pananalita ng punonglunsod na ipinagkaloob sa palatuntunan ng paggunita ng ika-146 na kaarawan ni Gat Andres Bonifacio nuong nakaraang Lunes, Nobyembre 30, 2009 sa harapan ng kanyang bantayog sa may Sampaloc Lake .
Ayon a punonglunsod kapag ang mga mamamayan ay may sapat na edukasyon ang mga ito ay hindi magiging pahirap sa pamayanan. Kung edukado ang mga tao sa isang komunidad ay walang mga karahasan o kaguluhan ang mga maaaring mangyari. Kaya binibigyan din niya ng prayoridad ang kalusugan ng lahat ng taga-lunsod. Sapagkat siya ay naniniwala na kapag malusog ay lalabas ring itong isang matalinong mamamayan.
Naging panauhin din sa nasabing programa sina G. Ely Flores, General Education Supervisor sa Division of San Pablo City; Former Vice-Mayor Palermo A. Banagale ng San Pablo City Historical Society, Councilor Angelita “Angie” Lozoda Erasmo-Yang, Chief of Police Supt Raul L. Bargamento ng PNP-SPC, Jail Warden Jerome Soriano ng BJMP at marami pang iba.
Ipinaliwanag naman ni G. Flores ang kabuluhan ng pagdiriwang kung saan nakamit ang tinatamasa nating kalayaan sa isang makabuluhang himagsikang isinagawa ni Gat Andres Bonifacio. Kaya nararapat nating pasalamatan, pahalagahan, isapuso at isabuhay ang mga nagawa ng ating mga bayani para sa ating kalayaan.
Nanawagan naman si Ex-Vice Mayor Banagale na ang bawat isa ay makapag-ambag ng kahit na katiting na kabutihan at labanan ang kahirapan upang umunlad ang pamayanan.
Sa pangwakas na pananalita naman ni Konsehala Angie Yang ay pinasalamatan niya ang lahat ng dumalo sa ngalan ng buong Sangguniang Panlunsod. Dagdag pa niya na hindi hadlang ang kahirapan upang makapaglingkod sa bayan tulad sa naipakitang halimbawa ni Mayor Amante sa lunsod.
Dumalo rin ang grupo ng Veterans Federation, Barangay Chairmen, Pinuno at Kawani ng Pamahalaang Lunsod, national agencies at iba’t-ibang NGO’s at civic orgs.
Natapos naman ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga bulaklak ng lahat ng grupong dumalo sa paanan ng bantayog. (CIO-San Pablo City )
Comments
Post a Comment