SAN PABLO CITY - Naka-grand slam si Laguna 3rd District Congresswoman Maria Evita Arago nang muling mapili ng Congress Magazine bilang isa sa mga Outstanding Congressmen sa taong 2009.
Magugunitang nagwagi si Arago ng kaparehong pagkilala noong unang taon niya sa Mababang Kapulungan noong 2007, naulit noong 2008 at 2009 dahil sa extra-ordinary performance sa Kongreso kung saan siya naging aktibo sa mga committee hearing at mismong sa plenaryo ng Lower House.
Nakapagtala ang mambabatas ng near perfect attendance na pinahalagahan ng house leadership at nakapagsulong ng humigit kumulang sa 80 panukalang batas kung saan 15 sa mga ito ay personal niyang iniakda at matagumpay na naidepensa sa floor debates.
Pinakahuli na napagtibay ng bicameral committee ay ang House Bill No. 1387 na nagtatadhana ng pagtatatag ng Office for Person with Disability Affairs (PDAO) sa bawat bayan, lunsod at lalawigan.
Naging bahagi rin si Arago sa mga landmark legislations tulad ng Cheaper Medicines Bill at ng Mounts Banahaw and San Cristobal Protected Landscape Act of 2009 na mismong dito pa sa Lalawigan ng Laguna nilagdaan ng Pangulo ng Bansa. Ang Cheaper Medicine Bill ay sa Santa Cruz, at ang Mounts Banahaw and San Cristobal Protedted Landscape Act ay sa Calamba City.
Kasalukuyang ipinaglalaban pa ni Arago sa Kongreso ang kanyang mga panukalang batas na Magna Carta para sa mga Barangay Tanod, ang pagbabalik ng Pitong Lawa sa pamamahala ng City Government of San Pablo mula sa Laguna Lake Development Authority (LLDA), at pagtatayo ng Skills Training and Development CenterFor Out Of School Youth para sa kagalingan ng mga kabataan ng distrito..
Pina-follow up pa ni Arago sa Senado ang iba pa niyang panukala, tulad ng pagtatayo ng Tuy-Baanan National High School sa Liliw, San Pablo City National Science High School, Mabacan National High School sa Calauan, at San Benito National High School sa Alaminos.
Si Arago ay nasa kanyang unang termino pa lamang bilang kinatawan ng ika-3 distrito ng lalawigang ito, na napansin ng maraming political observer na ang bawa’t taon ng kanyang panunungkulan ay naging mabunga at kapakipakinabang para sa mga mamamayan ng bansa. (Seven Lakes Press Corps)
Comments
Post a Comment