Nabatid mula kay City Administrator Loreto S. Amante na naisaayos na ang mga hakbanging dapat ihanda para maayos na maipagdiwang ng mga San Pableño ang Araw ng mga Patay sa mga libingan sa sakop ng Lunsod ng San Pablo, mula sa pagsasaayos ng mga ruta ng sasakyan, paglalagay ng mga health station, pagtatalaga ng mga tauhan (na ang marami ay mga kusangloob) para pangasiwaan ang kaayusan at kapanatagan ng pamayanan simula sa Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2 na naging kaugalian na ng marami na sa mga araw na ito dumalaw sa puntod ng mga namayapa nilang mga mahal sa buhay.
Pangunahing kumikilos sa paghahanda ang Office of the City Engineer, ang City Health Office and San Pablo City Red Cross, ang San Pablo City Police Station, at ang General Services Office. Ang DPWH-Laguna Sub-District Engineering District na naka-base sa Barangay Del Remedio ay handa ring magpahiram ng gamit kung kakailanganin sa pagsisikap na maging maayos at mapayapa ang gagawin pagdalaw sa mga libingan ng mga mamamayan.
Ayon kay City Administrator Amben Amante, nakuha na ng City Engineer’s Office ang kapahintulutan ng pangasiwaan ng Santa Lucia Realty, Inc. upang mabuksan Metropolis Subdivision at magsilbing daanan mula sa Maharlika Highway ng mga sasakyang patungo sa Barangay San Gabriel para dumalaw sa mga nakalibing sa San Pablo Memorial Park (Jollibee) at San Gabriel Memorial Garden (Mc Donald).
Ang pinakamalaking konsentrasyon ng mga boluntaryo ay sa kapaligiran ng San Pablo City Public Cemetery (Prosperity) at ng San Pablo Chinese Cemetery (Chow King). Doon maglalagay ng ilang first aid stations at mga public announcement’s booth ng City Health Office at ng San Pablo City Red Cross para magabayan ang naghahanapang nagkahiwahiwalay na magkakasama sa pagdalaw. Karaniwan pang ang Daang Miguel Leonor, mula sa may Llana’s hanggang panulukan ng Maharlika Highway ay hindi pinadaraanan sa mga sasakyan, sa halip ito ay pinalalagyan ng mga sidera at eklusibong nagiging pedestrian lane para sa publiko.
Ayon sa City Administrator, may nakahanda ring planong pangkaayusan at pangkapanatagan para sa Himlayang San Pableña (Siete Tres) sa Barangay Del Remedio, at wala pang inaasahang magiging suliranin sa Eternal Garden (Greenwich) sa Barangay San Vicente dahil sa ito ay kabalantay ng Maharlika Highway at iilan pa ang doon ay nakahimlay, gayon pa man, magtatalaga roon ng mga plainclothmen ang himpilan ng pulisiya sa dahilang mula sa mga nakaririwasang pamilya ang doon ay dumadalaw. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment