Pangungunahan ng National Statistics Office (NSO), kabalikat ang mga Local Civil Registry Offices (LCRO), ang pagdiriwang ng Civil Registration Month ngayong Pebrero para sa kanyang ika-20 taon sa buong bansa. Ito ay ipinatupad sa ilalim ng Proclamation No. 682 na ipinasa ng dating Pangulong Corazon C. Aquino noong ika-19 ng Enero 1991. May tema ang selebrasyon sa taong ito ng “Quality Civil Registration in Support of the National Development Goals” o “May Kalidad na Pagtatalang Sibil Bilang Suporta sa Pambansang Adhikain ng Pagpapaunlad” .
Simula nang ilunsad ng NSO ang Batch Request System (BREQS) Outlet sa ibat-ibang sangay ng NSO, malaki na ang ipinagbago ng ahensyang ito sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko. Na sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, madali nang nakakatugon ang NSO sa kahilingan ng publiko sa kanilang birth, death at marriage certificates upang gamitin sa pag-aaral, paghahanapbuhay, paglalakbay at iba pang pangangailangan. Gayundin naman ang kahilingan para sa Certificate of No Marriage (CENOMAR) ay malaking tulong sa mga gustong magpakasal upang makasigurado na wala pang naunang kasal ang babae o lalake na gustong pasukin ang buhay pamilya. Dati, kailangan pang magtungo sa Maynila o sa pinakamalapit ng rehiyon ang isang aplikante at pumila nang mahaba upang makahingi ng kopya ng sertipiko ng kapanganakan, kamatayan at kasal.
Ang BREQS Outlet ay pampubliko at pribadong ahensya na binigyan ng accreditation ng NSO na tumanggap ng aplikasyon para sila na ang magdala sa BREQS Servicing Outlet na tulad ng NSO-Laguna na pinamumunuan ni Provincial Statistics Officer Magdalena T. Serqueña upang dito iproseso ang kahilingang sertipikasyon ng publiko. Babalikan ito ng publiko sa BREQS Outlet kung saan siya nag-apply sa loob ng tatlo hanggang limang araw maliban ng araw ng Sabado o Linggo.
Sa NSO-Laguna, may 15 na Local Civil Registry Offices (LCROs) ng Local Government, 6 na Travel Agencies at 3 na SM Business Centers ang siniserbisyuhan ng mga tauhan nito araw-araw. Ito ay ang LCROs ng San Pablo City, Calamba City, Calauan, Cavinti, Liliw, Magdalena, Pakil, Siniloan, Sta. Cruz at Sta. Maria sa lalawigan ng Laguna. Gayundin ang LCRO ng Quezon tulad ng Atimonan, Calauag, Catanauan at Tayabas. Meron din buhat sa Sta. Elena, Camarines Sur.
Ang mga Travel Agencies ay kinabibilangan ng Skyquest Travel and Tours, Amreach Travel and Tours, AD & D Travel and Tours, Lipa Travel and Tours, Southern Sky Travel and Tours and Travel Pros.
Tumatanggap din ang SM Business Centers na may sangay sa Calamba City, San Pablo City at City of Santa Rosa.
Sa NSO-Laguna pa lamang, may humigit kumulang sa 10,000 dokumento ang natatanggap sa loob ng isang buwan buhat sa nabanggit na BREQS Outlets kayat nagbibigay ito ng malaking ambag sa kaban ng yaman ng bansa upang magamit hindi lamang sa pagpapaulad ng Civil Registration System pati na rin pambansang kaunlaran. (NSO-Laguna)
Comments
Post a Comment