Ipinaaalam ni Provincial Statistics Officer Magdalena T. Serqueña ng National Statistics Office (NSO)-Laguna na kasalukuyan ay abala ang mga tauhan ng ahensyang ito sa paglikom ng datos na naaukol sa kalagayan ng trabaho ng bansa na tinatawag na Labor Force Survey (LFS).
Ang LFS ay naglalayon na makakuha at makaipon ng impormasyon buhat sa mga miyembro ng sambahayan na nauukol sa demograpiya at panlipunan at pangkabuhayang katangian ng populasyon. Pangunahing layunin ng LFS ay upang mataya ang bilang at daloy ng may trabaho o walang trabaho sa bansa na nasa idad buhat labinglima pataas.
Mahalaga ang datos ng LFS sa pagpaplano o pagbabalangkas ng polisiya at pagbabantay ng galaw ng trabaho tungo sa pagtuklas ng mga oportunidad na makakaambag sa paglikha ng iba pang uri ng hanapbuhay upang mabawasan ang bilang ng walang trabaho sa bansa. Ginagamit din ang datos ng LFS para maging basehan sa pagtataya ng bilang ng empleyado na kakailanganin sa pagtugon ng pagsasanay na lilikha ng iba pang uri ng hanapbuhay. Ginagamit din ang LFS bilang sukatan ng datos ng employment, unemployment at underemployment (mga trabaho na kulang sa hinihingi sa itinakdang oras ng paggawa) na naaayon sa kabuhayan, panlipunan at kultura ng populasyon.
Isinasagawa ang LFS tuwing ikatlong buwan ng taon sa piling sambahayan ng isang barangay. May 51,000 na bilang ng sambahayan sa buong bansa kabilang na ang 1,069 na sambahayan na nasasakupan ng 72 barangay/enumeration areas sa lalawigan ng Laguna ang tatanungin ng mga tauhan ng NSO. Ito ay sapat nang bilang upang mailarawan ang daloy ng trabaho sa bansa.
Ayon sa resulta ng LFS noong nakaraang Enero 2011, ang Pilipinas ay may talang 61 milyong Filipino na nasa idad mula labinglima pataas. Ayon sa bilang na ito, 63.7 porsyento na Filipino ang tinatayang nasa Labor Force Participation Rate o porsyento ng manggagawang Filipino kahit hindi tumatanggap ng kaukulang kabayaran katulad ng mga anak na tumutulong sa tindahan o sakahan. Sa bahaging ito, may 92.6 porsyento o may kabuuang bilang na 36 milyong Filipino na mga manggagawa ang may hanapbuhay at 7.4 porsyento o may kabuuang bilang na 3 milyong Filipino ang walang trabaho. Sa bahagi naman ng may hanapbuahy may 19.4 porsyento o may kabuuang bilang na 7 milyong Filipino ang underemployed. Sa kabilang dako, ang 36.3 porsyento ng 61 milyong Filipino na hindi kasama sa Labor Force Participation Rate ay tulad ng mga estudyante, disabled person, retirees at iba pa.
Ang mga manggagawa naman buhat sa CALABARZON ay may tinatayang employment rate na 90.5 porsyento at unemployment rate na 9.5 porsyento.
Di dapat mabahala ang sinumang mapiling sambahayan ng NSO dahil ito ay nasa ilalim ng mandato ng Commonwealth Act 591 at Executive Order No. 121 na binibigyan ng karapatan ang mga tauhan ng NSO na magsagawa ng LFS at sila din lamang ang may karapatang makaalam ng nalikom nilang impormasyon. Kaya nga hinihiling ni Provincial Statistics Officer Magdalena T. Serqueña, puno ng NSO-Laguna, ang pakikipagtulungan ng mga napiling sambahayan upang makatiyak na tama at napapanahon ang datos na malilikom buhat sa kanila. (NSO-Laguna)
Comments
Post a Comment