Bagama’t ang mga batang punong niyog o ang mga punong wala pang tatlong (3) taong naitatanim sa plantasyon ay hindi sakop ng pagbabawal putulin sa ilalim ng Coconut Preservation Act o Republic Act No. 8048, nagpapayo si Regional Coconut Development Manager Edilberto M. de Luna sa mga nagnanais na magtanim ng punong niyog para pagsapit na tamang laki ay putulin para kunin ang ubod, na ang binabalak na pagtatanim ay iulat sa pinakamalapit na tanggapan ng Philippine Coconut Authority (PCA) upang ang palatuntunan ay maayos na masubaybayan ng pangasiwaan para sa Kagawaran ng Pagsasaka.
Nilinaw ni de Luna na “ang punong niyog na wala pang tatlong (3) taong naitatanim ay hindi kasama sa pagbabawal putulin, at ito ay maaaring anihin para kunin ang ubod na hindi nalalabag ang Batas Republika Bilang 8048 at ang Implementing Rules and Regulations nito.”
Kaugnay ng produksyon ng ubod, na kinikilalang bahagi ng palatuntunan sa produksyon ng pagkain, iniulat ni de Luna na ang Research Development and Extension Branch ng PCA ay nakabalangkas ng isang pamamaraan ng pagtatanim ng mga batang punong niyog sa ilalim ng mga namumunga ng puno o ang “System of Under-Planting of Young Coconuts on Bearing Palms for the Production of Edible Vegetative Pitch (Ubod)” na ipinaliliwanag sa Techno Guide Sheet No. 7, Series of 2000, na maaaring mahiling sa Field Service Branch ng Philippine Coconut Authority na ang mailing address ay sa Elliptical Road, Diliman, Quezon City, o sa P. O. Box 3386, Manila. (BENETA News)
Comments
Post a Comment