Isa na namang estudyante mula sa lalawigan ng Batangas ang kakatawan sa Katimugang Tagalog sa Philippine Statistics Quiz (PSQ) na taunang isinasagawa ng National Statistics Office (NSO) sa tulong ng Philippine Statistical Association (PSA). Si Justin Angelo P. Alvarez, estudyante sa Engineering ng University of Batangas ang siyang nanalo sa ginanap na PSQ Regional Elimination noong nakaraang Nobyembre 13 sa CAP Development Center sa Lipa City. Tinalo ni Justin ang dalawampu’t tatlo pang kalahok sa nasabing paligsahan mula sa iba’t-ibang unibersidad na sakop ng rehiyon.
Ang PSQ ay taunang paligsahan sa larangan ng Estadistika na unang isinagawa noong 1992. Ito ay isang hakbang para malaman ng madla ang halaga ng estadistika sa ating buhay. Sinasalihan ito ng mga mag-aaral sa unang taon ng kolehiyo na nakapagtapos ng sekondarya ng nakaraang Marso (o Abril).
Ngayong taong ito, umabot sa 121 na estudyante mula sa 50 eskwelahan ng rehiyon ang sumali sa PSQ. Mula dito, dalawampu’t-apat na estudyante ang naglaban-laban sa regional elimination. Sa provincial elimination ng PSQ na ginanap sa Lyceum of Batangas sa Batangas City noong nakaraang buwan ay pumangalawa lamang si Justin. Ang estudyante na si Mark Angelo B. Almero ng Lyceum of Batangas ang tumalo sa kanya. Ngunit pagdating sa regional elimination ay nagpakita siya ng gilas at tinalo niya ang 23 estudyante na kabilang sa top five ng kani-kaniyang probinsya sa isinagawang PSQ provincial eliminations. Tumanggap si Justin ng P3,000 bilang premyo at certificate of recognition. Ang dalawa pang nanguna sa regional elimination ay si Nelvin D. Cortiñas, estudyante ng National College of Science and Technology sa Cavite na nakuha ang ikalawang karangalan at pumangatlo naman si Emerose R. Abellanosa, mula sa Southern Luzon State University (SLSU) sa Lucban, Quezon. Si Nelvin at Emerose ay nagkamit ng ika-apat at ika-limang puwesto sa provincial elimination ngunit nagawa nilang makasama sa top 3 pagdating sa regional elimination ng PSQ.
Sa ika-4 ng Disyembre, si Justin ang siyang kakatawan sa CALABARZON sa national finals na gaganapin sa Maynila. Maaari siyang manalo ng P 25,000 kung siya ang tatanghaling PSQ national champion at ang coach niya ay mabibigyan din ng halagang P 12,500. Hindi niya mararating ang national finals kung hindi sa tulong ng kanyang coaches na sina Engr. Jhona Barza at Engr. G.M. Cabrera. Noong 2006, si Raymon M. Manalo ng Batangas State University (BSU) ang kumatawan sa ating rehiyon. P IV-A sa General. Luna Avenue, Sabang, Lipa City o tumawag sa numero (043) 756-0412 o 981-2928. (NSO-IV-A)
Comments
Post a Comment