Nasa tamang direksyon ang pananaw ni Chairman-Elect Kristine Ann “Tintin” A. Picazo ng Sangguniang Kabataan ng Del Remedio, lunsod na ito, na may pangangailangan na ang mga lider kabataan sa isang lunsod o munisipyo ay dapat na mabuo sa isang guild o asosasyon ng may magkakatulad na interes at layunin sa buhay, sapagka’t ito ang magiging daan upang ang kaisipan ng mga indibidwal sa loob ng asosasyon ay magkaugnay-ugnay at malapat sa isa’t isa sa ikapagtatamo ng pinagkakaisahang lungatiin para sa pamayanan.
Sa Estados Unidos, doon, ang bawa’t uri ng hanapbuhay at libangan ay may ispisipikong samahan o guild, halimbawa, ang mga propesyonal na nagsisipag-apina ng piyano o piano tuning technician ay miyembro ng Piano Technicians Guild na kinikilala sa Kontinente ng America, at ang guild ang mekanismo upang ang mga miyembro ay patuluyang napapaalalahanan tungkol sa kahalagahan ng kanilang gawain para sa kagalingan ng kultura ng musika, at ng industriya ng piyano sa kanilang bansa.
Ayon kay Tintin, ang pagbuo ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan sa bawa’t lunsod o munisipyo ay nakatadhana sa Local Government Code of 1991, at bilang governmental-organization, ang mga gugulin nito ay dapat na umaalinsunod sa alituntunin at regulasyong ipinatutupad ng Commission on Audit, samantala ang isang guild ay non-governmental organization, kaya kaya ito ay maluwag sa paggugol ng kanilang sariling pondo para matustusan ang mga pangangailangan ng kanilang samahan.
Tulad ng Senado, ang kabuan ng lahat ng mga kasalukuyang senador ay pinagsama-sama ang kanilang mga asawa sa isang ladies organization, na may uring non-governmental organization, na ang tagapayo ay si Senadora Loren Legarda, upang ito ay malayang nakapagkaloob ng tulong na panglipunan at pangkultura sa mga naninirahan sa mga maralitang kapaligiran.
Halimbawa, kung mamarapatin ng mga lider kabataan sa lunsod na pagtuunan ng pansin ang paglilinis ng kapaligiran para magawa itong maganda at malusog, ang mga kabataan ay dapat na napaalalahanan sa kahalagahan ng gawaing ito, hindi lamang para sa kanilang kalusugan at kapanatagan, kundi ito ay makatutulong pa sa pagpapasigla ng industriya ng turismo, pagyayaman sa kultura at pagpapahalagang likas o laganap sa lunsod, para sa kapakinabangan na rin ng hinaharap ng lunsod.
Ang youth guild bilang isang NGO, ay madaling makakahiling ng tulong mula sa mga service club sa lunsod, tulad ng Rotary Club, Lions Club, at Kiwanis Club, at samahan ng mga negosyante tulad ng San Pablo City Chamber of Commerce and Industry, Inc. at ng San Pablo City Filipino-Chinese Chamber of Commerce, Inc., paalaala ni Tintin, sapagka’t ang mga organisasyong ito ay may palatuntunan para sa kaunlaran ng kabataan, at ang kinakailangan nila ay kung saan dapat makipag-ugnayan upang matamo ang layuning nakatadhana sa kanilang pangkalahatang tunguhin at layunin. (7LPC/ret)
Comments
Post a Comment