SAN PABLO CITY – Sa pamamagitan ng 58 boto na ipinagkatiwala sa kanya, si first term Punong Barangay Gener B. Amante ng Barangay San Jose ay napagwagian ang pagiging Panguo ng Liga ng mga Barangay sa Lunsod ng San Pablo sa halalang ginanap sa Rizal Hall ng San Pablo City Central School ng noong Martes ng umaga, Disyembre 11, 2007 ng naaayon sa alituntuning itinatakda ng Local Government Code of 1991 o Batas Republika Bilang 7160..
Sa isang paalaalalang pagpapayo o advisory na pinalabas ni Local Government Secretary Ronaldo Puno ay kanyang ipinaunawang ang panunungkulan ng lahat ng Pangulo ng Liga ng mga Barangay, at Tagapangulo ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan na nahalal noong 2002 ay natapos na noong Oktubre 31, 2007 matapos maganap ang October 29, 2007 Synchronized Barangay and Sangguniang Kabataan Elections, kaya tulad ni Del Remedio SK Chairman Kristine Ann A. Picazo na nauna nang halal na Pangulo ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan sa Lunsod ng San Pablo, si San Jose Punong Barangay Gener B. Amante ay magsisimula ng manungkulan bilang ex-officio member ng Sangguniang Panglunsod, matapos na pormal na makapanumpa sa katungkulan, at mapadalahan ng kopya ng kanilang panunumpa ang Tanggapan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal.
Ang iba pang nahalal na sa bagong pamunuan ng Liga ng mga Barangay, na ang panunungkulan ay hanggang sa Nobyembre 30, 2010 ay sina Punong Barangay Carmelita A. Amante ng Sta. Maria Magdalena, pangalawang pangulo; Punong Barangay Arnel C. Ticzon ng Barangay III-D, tagasuri; Mga director sina Punong Barangay Napoleon C. Calatraba ng Del Remedio, Punong Barangay Crisante G. Almare ng San Ignacio; Punong Barangay Balbino A. Escueta ng San Juan; Punong Barangay Edgardo A. Aquino ng San Lucas II; Punong Barangay Ramon B. Panganiban ng Barangay II-C; Punong Barangay Pedro D. Malabuyoc ng Barangay IV-C; Punong Barangay Dorben A. Roa ng Santa Elena; at Punong Barangay Bernardo S. Morta Jr. ng Barangay VII-A.
Ang manunungkulanng Kalihim ng Liga at Ingat Yaman ng Liga ay kapuwa itinatalaga ng Pangulo sang-ayon sa umiiral na alituntunin na may kaugnayan sa paghalal sa pamunuan ng Liga ng mga Barangay sa antas ng lunsod at ng munisipyo na ipinaiiral ng DILG. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment