Ayon sa pinakahuling tala mula sa Membership Section ng Field Operations Division sa pamumuno ni G. Edgardo T. Ardiente, patuloy na dumarami ang mga miyembro sa ilalim ng Sponsored Program ng PhilHealth. Sa kasalukuyan, may 184,932 naitalang bagong miyembro sa ilalim ng programang ito na binubuo ng 45,085 miyembro mula sa Quezon, 85,228 sa Laguna at 54,619 naman sa Cavite. Kaya naman, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng tanggapan ng PhilHealth sa iba’t-ibang lokal na pamahalaan upang palawakin ang kampanya upang madagdagan ang bilang ng mga miyembro ng PhilHealth sa ilalim ng programang ito.
Ang benepisyo ng PhilHealth ay maaaring gamitin sa panahon ng pagpapa-ospital. Kabalikat ito ng miyembro sa pagbabayad ng gastos sa kwarto, gamot, laboratoryo at bayad sa duktor.
Kaugnay nito, hindi lamang miyembro ang makikinabang sa paggamit ng benepisyong Medicare. Kasama ring makikinabang dito ang mga kwalipikadong makikinabang ng mga ito. Kabilang dito ang mga anak na may edad na 20 taong gulang pababa, walang asawa at trabaho, legal na asawa at magulang na 60 taong gulang pataas. Dalhin lamang ang mga dokumento tulad ng Birth Certificate with registry number para sa anak, Marriage Contract with registry number para sa asawa at Birth Certificate with registry number ng miyembro at magulang sakaling ang isasama bilang kwalipikadong makikinabang ay magulang.
Dagdag pa dito, pinaaalalahanan ng PhilHealth na makipag-ugnayan ang bawat miyembro sa mga tanggapan nito upang maiayos ang kanilang datos at mabigyan ng updated na Member Data Record (MDR) na kailangan sa kanilang pagpapa-ospital. (PhilHealth-IV-A)
Comments
Post a Comment