SAN PABLO CITY – Maiuugnay sa paggunita ng kaarawan ni Mayor Vicente B. Amante, ang Pangasiwaang Lunsod ng San Pablo, kasama ang Sangguniang Panglunsod, sa koordinasyon Department of Labor and Development-Region IV- A (CALABARZON) at ng San Pablo City Public Employment Services Office (PESO), ay magtataguyod ng isang Jobs Fair sa darating na Biyernes, Oktubre 24, sa PAMANA Hall sa harapan ng One Stop Processing Center simula sa ganap na ika-8:00 ng umaga.
Sang-ayon kay City Administrator Loreto S. Amante, concurrent PESO Manager, may mga recruitment agencies silang inanyayahang ang iaaalok ay gawain sa labas ng bansa o overseas placement, bagama’t ang marami ay para sa local or domestic placement.
Dahil dito, nagpapaalaala si PESO Manager Amben Amante sa mga lalahok na makabubuting sa kanilang pagtungo sa jobs fair ay may nakahanda na silang information sheet, community tax receipt (o cedula), birth certificate, NBI Clearance, at kung mayroon na ay dalahin na rin ang kanilang passport, at kopya ng diploma, sapagka’t magiging malaking katulungan ito kung sila ay papalaring ma-interview kaagad.
Makabubuti ring ang mga magtutungo sa jobs fair ay may angkop na kasuutan, batay sa uri ng gawain kanilang inaasahang mapapasukan. Sapagka’t ito ay nakatutulong upang sila ay magkaroon ng tiwala sa sarili sa panahon ng panayam. (BENETA News)
Comments
Post a Comment