SAN PABLO CITY - Sa pakikipag-ugnayan kay City Health Officer Job D. Brion, ang Philippine Dermatological Society, kaugnay ng kanilang outreach activities and information dissemination on skin and nail wellness, ay magtatalaga ng isang team ng mga manggagamot na espesyalista sa larangan ng sakit sa balat o dermatologist sa City Health Office sa umaga ng darating na Sabado, Nobyembre 15, 2008 upang maghandog ng walang bayad na pagsusuri sa mga may karamdaman sa balat. Ang ganitong pagbubukas ng dermatological outreach clinic ay taunang proyekto ng PDS na isinasagawa sa pakikipag-ugnayan sa mga local government unit upang matiyak na ang makikinabang ay ang masa o ang mga karaniwang mamamayan na ipinalalagay na walang kakayanang makapagpasuri sa mga espesyalista.
Ang Philippine Dermatological Society, na ang mga miyembro ay sinasabing specialty society ng mga “Physician Devoted to Skin health,” na ang kasalukuyang pambansang pangulo ay si Dra. Arnelfa C. Paliza, noong nakaraang buwan ng Mayo, sa kombensyon ng Philippine Medical Association (PMA) na ginanap sa Manila Hotel, ay pinagkalooban ng "Testimonial Recognition For Most Outstanding Projects By A Specialty Society”
Napag-alaman na bahagi ng advocacy program ng PDS ay ang pakikiisa sa pandaigdigang pananawagan na ang mga may sakit na ketong o leprosy ay hindi dapat pandirihan at dapat na maluwag na tinatanggap ng lipunan. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment