Ang itinatag na grupo ay isang multi-disciplinary team sa pamumunuan ng isang siruhano at may kasangguning psychologist dahil sa may mga naging karanasan sa mga pagamutan ng pamahalan sa ibang rehiyon na bagama’t ang biktimang inihahatid sa ospital ay sinasabing biktima ng paputok, ay napatutunayan na ang kapansanan ay bunga ng alitan, at dahil sa pagtatangka sa sariling buhay ng biktima, pag-uulat ni Dr. Guia. Ito ay magsisimulang gumanap bilang special team simula sa tanghaling tapat ng Miyerkoles, Disyembre 31, 2008 hanggang sa umaga ng Huwebes o Enero 1, 2009.
Gayon pa man, naniniwala si Chief of Hospital Jose Guia na hindi na magiging marami ang magiging biktima kung ihahambing sa naaabot na bilang ng biktima apat o limang taon na ang nakalilipas, kung saan batay sa ulat ng pagamutan ay maraming kinakailangang putulan ng kamay dahil sa natatamong malubhang kasiraan nito. Marami rin noon ang nagtatamo ng gunshot wound na sanhi ng pumapatak na bala na hindi na naman matunton kung sino ang nagpaputok. Ito ay dahil sa mga patuluyang kampanya na isinasagawa ng Department of Health, ng Department of the Interior and Local Government, at maging ng mga yunit ng pamahalaang lokal.
Makatutulong din upang mabawasan ang bilang ng nagpapaputok ang mataas na halaga ng paputok sa pamilihan, dahil sa umiiral na kahirapan sa pamumuhay na nadarama ng mga karaniwang mamamayan. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment