Ang PhilHealth na isang Government Owned and Controlled Corporation upang magpatupad ng Pambansang Palatuntunan sa Kaseguruhang Pangkalausugan o National Health Insurance Program ay natatag sa bisa ng Batas Republika Bilang 7875 na napagtibay noong Pebrero 14, 1995, at nagsimulang akuin ang pananagutan sa pagpapatupad ng dating Medicare Program para sa sektor ng mga pinuno at kawani ng pamahalaan simula noong Oktubre ng 1997 ng ilipat ng Government Service Insurance System (GSIS) sa PhilHealth ang pondo ukol dito, at ang para sa pribadong sektor ay noong April ng 1998 matapos na ang pondo ay ilipat ng Social Security System (SSS).
Ang batas na nagtatag sa PhilHealth ay itinaguyod sa Malaking Kapulungan ni Kinatawan Wilfrido L. Enverga at sa Senado ni Senador Edgardo J. Angara. Samantala, si dating Senador Juan M. Flavier ay naging masugid na tapagtaguyod sa pagpapaunlad ng Medicare Program sa bansa. Siya ngayon ay isang Board Member ng Philippine Health Insurance Corporation.
Ayon kay Dr. Edwin M. Oriña, officer-in-charge ng Office of the Assistant Vice President for Region IV-A, ang limang (5) pangunahing palatuntunang ipinatutupad ng PhilHealth ay ang pagkakaloob ng kaseguruhang pangkalusugan sa mga may palagiang gawain o employed sector; mga may sariling gawain at pinagkakakitaan o informal sector; mga manggagawa sa labas ng bansa o overseas worker; mga hindi na nagsisipagbayad na miyembro o mga retiradong kawani at manggagawa; at mga tinatangkilik o sponsored members para sa mga sadyang mahihirap at ganap na nagdadalita, o sakbibi ng lubhang karalitaan..
Idinagdag pa ni Dr. Oriña na ang PhilHealth ay nagkakaloob ng nagkakaisang mataas ang uring paglilingkod na pangangalagang pangkalusugan sa lahat ng sakop nito, tulad ng tulong para sa pagtigil sa pagamutan, tulong na pambili ng gamut, at kaupahan sa mga manggagamot at laboratory examination. Ang PhilHealth ay mayroon ding mga tanging palatuntunan para sa mga manganganak, pangangalaga at pangangasiwa sa mga kasisilang pa lamang na sanggol o newborn care, at pagpapagamot sa mga dinapuan ng tuberkolusis na tinatawag na TB-DOTS Packages.
Simula noong Taong 2002, ay taunang ipinahahayag ng Pangulo ang pagdiriwang ng PhilHealth Week o PhilHealth Month, at sa bias ng Proclamation No. 1400, ang pagdiriwang sa Buwan ng Pebrero bilang Buwan ng Pambansang Kaseguruahang Pangkalususgan ay naging palagian na o naging isa ng institusyong pambansa, paglilinaw ni AVP Edwin C. Oriña. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment