LIPA CITY - Pag-alinsunod sa iniaatas ng Batas Pambansa Bilang 72, na nagtatagubilin ng pagsasagawa ng sensu ng populasyon at ng pabahay o Census of Population and Housing (CPH) tuwing ika-10 taon, na nagsimula noong 1980, ang National Statistics Office (NS0) ay magsasagawa ng pagsi-sensu sa darating na Mayo ng Taong 2010
Bahagi ng masinop na paghahanda upang maging ganap at komprehensibo ang isasagawang 2010 Census of Population and Housing (CPH 2010), ang National Statistics Office ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga gumagamit ng mga datus at impormasyon na natitipon sa pamamagitan ng mga sarbey na isinasagawa ng ahensay sa bawa’t rehiyon ng bansa upang mabatid pa ang mga karagdagang datus na dapat matamo mula sa ganitong sensu.
Lubhang mahalaga na komprehensibo ang mga datus na natatamo sa isang sensu, dahil sa ang resulta nito ang siyang batayan ng mga bumabalangkas ng mga palatuntunang pangkaunlaran, pangkalusugan, at panglipunan, sa lahat ng antas ng pamahalaan.
Bilang ng populasyon sa isang pamayanan ang batayan sa pagtatayo ng mga gusaling pampaaralan, at pagbubukas ng mga health center at ng mga lansangan, pagtatalaga ng pulis at iba pang mga tauhang pangkapayapaan, at sa paghahatid ng tulong na pangkagipitan kung may nagaganap o nagdaraang kalamidad. At maging sa pagpapasiya kung ilang presinto o voting center ang dapat itayo sa isang barangay kung may nagaganap na halalan, paunawa ni Bb. Rose Bautista, sa kanyang paghikayat sa mga kinatawan ng mga institusyon at ahensya na gumagamit ng resulta ng Census of Population and Housing na makipagtulungan sa ikapagtatagumpay ng 2010 Census of Population and Housing.
Ang tanggapan ng National Statistics Office-Region IV-A ay nasa Groundfloor ng Building C ng Fiesta World Mall sa Barangay Marauy, lunsod na ito. (Ruben E Taningco)
Comments
Post a Comment