Nakadama si Sarhento Platon ng kalungkutan sa nakitang kaayusan ng pananda para sa alaala ng mga bayaning kasapi ng Philippine Constabulary, kaya sa sariling inisyatibo ay nilinis niya sa tulong ng eskuba, sabon at tubig ang munting monumento, at ng lumitaw ang lapidang yari sa marmol, ay pininturahan niya ng itim ang mga letra ng pangalan ng apat (4) na dinadakilang kawal., at ng sumapit ang Marso 29, 2009, o ang ika-59 anibersaryo ng kamatayan ng nabanggit na ipinagkakapuring konstable, ay tinirikan niya ito ng kandila, at inanyayahan niya ang kanyang mga kasamahang pulis na mag-ukol ng isang minutong katahimikan para sa alaala nina Major Alicbusan.
Laking kagalakan ni SPO1 Norman Jesus Platon na noong Huwebes ng umaga, Abril 9, 2009, nang matapos ang palatuntunan sa paggunita sa Araw ng Kagitingan na ginanap sa harapan ng Pananda Para sa Alaala ng mga Kawal na Napalaban Sa Bataan at Corregidor noong nakaraang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay binati siya ni Chief of Police Raul Bargamento sapagka’t bunga ng kanyang inisyatibo, ay napagpasiyahang ang obelisk ay ipaaayos.
Ang batong pananda para sa alaala ng apat (4) na bayani ay ipinatayo ng pangasiwaang lunsod sa pamamatnugot ni Mayor Marciano E. Brion Sr. na pinasinayaan noong Marso 29, 1951, at nadalaw ni Pangulong Ramon F. Magsaysay noong madaling-araw ng Marso 29, 1954 dahil sa kanyang ugaling maglibot sa mga lalawigan kung gabi na sakay lamang sa ordinaryong sasakyang ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.
Isinilang sa Bayan ng Calamba noong Oktubre 12, 1912, si Major Leopoldo Amutan Alicbusan ay nasawi sa gulang na 37 taon, limang buwan, at 17 araw. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment