SA MGA KINAUUKULAN:
Sa darating na Abril 9, 2009, ay gugunitain ang ika-67 Araw ng Kagitingan upang kilalanin ang mga kawal na naghandog ng kanilang buhay sa mga larangan ng labanan sa Bataan at Corregidor, at ako po ay magalang na nagmumungkahi na sana naman ay mapagtuunan ng pansin ang mga kawal na nagbuwis ng buhay upang mapangalagaan ang katahimikan ng Lunsod ng San Pablo.
Noong nakaraang Marso 29, 2008, ay walang nakaalaala na ang araw na yaon ay bahagi ng kasaysayan ng Lunsod ng San Pablo, sapagka’t iyon ang ika-58 taon ng kamatayan ni Major Leopoldo Amutan Alicbusan ng 27th Philippine Constabulary Company na nagbuwis ng buhay sa pagtatanggol sa kalunsuran sa pananalakay ng mga kaaway ng pamahalaan noong Marso 29, 1950.
Sasapit na muli ang Marso 29, at marahil ay tulad sa mga nakaraang taon, ay walang makakaalaala sa naging bahagi ng matapang na pinuno noon ng mga konstable sa kasaysayan ng Lunsod ng
Ang nakalulungkot pa, maging ang obelisk o batong pananda para sa alaala ng kabayanihan ni Major Alicbusan at mga tauhang sina S/Sgt. Cenon Salvador, Sgt. Atanacio Maliberan, at Pfc Cipriano Panquito na nakatayo sa gilid isang himpilan ng pulisya sa may Doña Leonila Park ay malapit ng mabuwal dahil sa isinasagawang konstruksyon ng City Engineer’s Office Building.
Si Major Alicbusan ay nasawi sa gulang na 37 taon, limang buwan, at 17 araw (Oktubre 12, 1912), at naiwanan niyang balo si dating Gregoria Carandang na namayapa noon lamang Taong 1994.sa gulang na 80 taon sang-ayon sa panganay na anak na si Adoracion C. Alicbusan-Virtucio.
Kapansinpansin na tuwing ipinagdiriwang ang Araw ng Kagitingan, at maging ang Pambansang Araw ng mga Bayani kung sumasapit ang huling Araw ng Linggo ng Buwan ng Agosto, ay laging inaalaala ang mga kawal na nagbuwis ng buhay sa larangan ng labanan sa Tangway ng Bataan at Isla ng Corregidor, subali’t hindi na maalaala ang mga kawal na namatay sa pakikilaban upang maipagtanggol ang Lunsod ng San Pablo sa mga kaaway ng katahimikan at kapanatagan.
Comments
Post a Comment