kapulungan ng mga pinunong nayon
Nang humarap si Engr. Ruel J. Dequito, officer-in-charge ng City Solid Waste Management Office noong Lunes ng umaga sa buwanang pulong ng Liga ng mga Barangay, kanyang ipinaaalaala na simula sa Hunyo 16, araw ng Marfes, ay ipatutupad na ang bagong eskedyul o araw ng koleksyon ng basura, gaya ng mga sumusunod: Lunes, Miyerkoles, Biyernes, at Linggo ay ang mga basurang nabubulok o biodegradable; at Martes, Huwebes, at Sabado ay ang basurang hindi nabubulok o non-biodegradable.
Dahil dito, nabanggit ni Engr. Dequito na pananagutan ng lahat, maging ito ay sa tahanan o sa paggawaan, na pagbukodbukurin ang kanilang basura sa pamamagitan ng paglalagay ng mga bagay na nabubulok sa isang sako o plastic bag, at ang mga hindi nabubulok sa ibang lalagyan, at ilalabas lamang ito pagnarinig na ang batingting, na ang pinakamaaga ay sa ika-5:00 ng madaling araw. Tuwing umaga lamang may magdaraang trak ng basura para kolektahin ang basura.
Ipinagbabawal na ang pagsasabit ng nakasakong basura sa mga tarangkahan o pako sa pader sa gilid ng lansangan, kaya dapat hikayatin ng mga pinunong nayon ang kanilang mga kanayon na sanayin ang sariling ilabas lamang ang tamang uri ng basura sa tamang araw at oras, paalaala ni Dequito.
Samantala, noong Martes ng umaga, sa San Pablo City (Host) Lions Clubhouse ay isinagawa ang seminar sa kung papaano ipatutupad ang “Generic Law on Solid Waste Management of San Pablo City” sa ilalim ng City Ordinance No. 2003-15, na binalankas bilang pag-alinsunod sa iniuutos ng Ecological Solid Waste Management Act of 2000 o Batas Republika Bilang 9003.
Sa nabanggit na pulong ay pormal na pinagkalooban ng awtorisasyon ang mga itinalagang mga City Solid Waste Management Enforcer, na pawang mga rekomendado ng punong barangay ng bawa’t barangay sa Lunsod ng San Pablo. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment