Ipinapayo ni Dr. Brion sa lahat na huwag maniniwala sa mga text messages ukol sa di-umano ay may kinapitan na ng Influenza A virus sa lunsod, sapagka’t ito ay tsismes lamang,
Nabanggit ni Dr. Brion na dapat alalahanin na sang-ayon sa mga kilalang awtoridad sa public health management, higit na mapanganib ang Dengue Fever, kaysa kinatatakutang Influenza A (H1N1), sapagka’t ang mga nasusumpungang nagkaroon ng H1N1 Virus ay pinapapagpahinga lamang sa isang isolated room upang maiwasang magkaroon ng komplikasyon, at pagkalipas ng ilang araw ay kusa na itong nawawala o tinatalo na ng panlaban sa sakit na likas sa katawan ng tao.
Gaya ng sinasabi ni Health Secretary Francisco T. Duque III, ang Dengue Fever ay nagtataglay ng strong strain of virus, samantala ang Influenza A ay mild strain, kaya ang mga pamayanang may kahandaan laban sa Dengue Fever, ay may kahandaan na rin para maiwasan ang paglaganap ng Influenza A. Ang H1N1 ay pinalulubha ng takot, bagama’t ito ay maiiwasan sa pamamagitan ng tamang pag-iingat sa pakikihalobilo sa kanyang kapuwa.
Samantala, sa pahayag ni Dra. Mercydina Abdona Mendoza-Caponpon, team leader ng isa sa dalawang surveillance mobile team, hiniling niya sa mga kinatawan ng local mass media na paalalahanan ang mga mamamayan, na sakali’t sa kanilang tahanan ay may kinakikitaan ng sintomas ng Influenza A, ay huwag itong dadalahin sa pagamutan o magkokunsulta sa klinika ng isang manggagamot. Sa halip, sila ay tagubilinang manatili sa isang bukod na lugar, at iulat kaagad sa Disease Surveilance Team na naka-base sa City Health Office sa pamamagitan ng telepono o cellphone, at ang mobile team ang magsasadya sa kanila para sila ang magdetermina sa kung ano ang tinataglay na karamdaman ng pasyente, at kung ano ang mga hakbanging dapat isagawa.
Kung ang tinataglay na sakit ay karaniwang trangkaso o mga katulad nito, ay may dala silang sapat na gamot para rito, subalit kung sadyang H1N1 suspect, ay may sadyang ambulansyang gagamitin sa paglilipat ng pasyente at ang pagdadalahang pagamutan ay sa tagubilin ng Kalihim ng Kalusugan, na ang pinakamalapit ay ang Research for Tropical Medicine na nasa Alabang sa Muntinlupa City.
Sa magkaugnay na pagpapaliwanag nina Dra. Ma. Victoria Lopez-Guia at Lucy A. Celino, ay kanilang ipinaunawa na ang pinakamabuting paraan upang huwag mahawa ng Influenza A ay ang tamang pag-iingat at pagsasakit na magawang laging malinis ang kamay, laging tatakpan ang bibig kung umuubo at humahatsing, at pagdistansya kung nakikipag-usap sa may sakit. Dapat din ang tamang nutrisyon upang mapangalagaang malakas ang katawan at may resistansya laban sa karamdaman. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment