Ngayong buwan ng Setyembre hanggang Oktubre, ang Pambansang Tanggapan ng Estadistika o National Statistics Office (NSO) ay nagsasagawa ng sarbey tungkol sa paggamit ng tabako. Ito ay tinatawag na Global Adult Tobacco Survey o GATS. Ang sarbey na nabanggit ay isinasagawa ng ahensya sa pakikipagtulungan sa Department of Health (DOH) at iba pang internasyonal na organisasyon tulad ng World Health Organization (WHO), Johns Hopkins Bloomberg School of Public Health (JHSPH), Research Triangle Institute (RTI), Centers for Disease Control and Prevention (CDC), at CDC Foundation.
Nilalayon ng sarbey na mangalap ng impormasyon tungkol sa kung ilan ang porsyento ng populasyon ang naninigarilyo, gaano kalimit ang paninigarilyo, at ang paggamit ng tabako na may usok (smoking) at walang usok (smokeless). Ilan din sa mahahalagang bagay na sakop ng sarbey ay ang exposure ng populasyon sa tinatawag na “second-hand smoking” oexposure (o paglanghap) ng tao sa usok ng sigarilyo mula sa isang taong naninigarilyo; datos tungkol sa limit (frequency) ng pagsubok na tumigil sa paninigarilyo; paraan na ginagawa upang tumigil sa paninigarilyo; media exposure tungkol sa paghihikayat sa paninigarilyo at gayundin sa pagbibigay ng babala para iwasan ang paninigarilyo at iba pang datos.
Mahalaga ang mga datos upang siyang maging baseline data ng DOH upang malaman nila kung ang kanilang National Tobacco Control Program na ipinatupad ilang taon na ang nakaraan ay maayos na naisasagawa at kung ano ang epekto nito upang mabawasan ang dami ng naninigarilyo sa ating bansa. Ayon kay OIC-RD Charito C. Armonia ang sarbey na ito ay isinasagawa din sa marami pang bansa tulad ng Malaysia, Indonesia, China, Pakistan at iba pang bansa. At ayon din sa kanya, ang sarbey ay isang “paperless” survey na gumagamit ng IPAQ o isang handheld computer upang siyang maging gabay ng mga interviewer sa pagkuha ng datos. Ito ay pangalawang subok na ng NSO na gumamit ng ganitong teknolohiya upang mag-sarbey. Kung magiging maayos ang paggamit ng IPAQ sa sarbey na ito ay maaaring ito na rin ang gamitin ng ahensya sa iba pa nilang sarbey tulad ng kanilang price survey na isinasagawa buwan-buwan upang mas mapabilis ang pagkuha ng datos at pagproseso ng resulta nito.
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa GATS at iba pang sarbey o serbisyo ng NSO, sumangguni sa opisina ng NSO Region IV-A na nasa Ground Flr. Bldg. C Fiesta World Mall, Maraouy, Lipa City o tumawag sa numero (043) 756-0412 o 404-1928. (NSO/C. O. Bautista)
Comments
Post a Comment