Tumutukoy sa paksang “Manggagamot Mamamayan Pamahalaan, Nagkakaisa Sa Kalusugan,” ang San Pablo City Medical Society ay nagtaguyod ng mga gawain upang maipagdiwang ang ika-106 taon ng pagkakatatag ng Philippine Medical Association (PMA). Ang pambansang lipunan ng mga manggagamot sa bansa, na may mga balangay na rin sa iba’t ibang bansa at teritoryo.
Noong Lunes, Setyembre 14, sa paanyaya ni Mayor Vicente B. Amante ay ang San Pablo City Medical Society ang nagtataguyod ng tradisyonal na flag ceremony sa City Hall na pinangasiwaan nina Dra. Marisonia Belen-Tan, Vice-President at Dr.Emmanuel Loyola, Past President ng SPC Medical Society at kasalukuyang kagawad ng Board of Governors ng Philippine Medical Association na ang Pambansang Pangulo ay si Dr. Rey Melchor F. Santos, kasama sina; Dra. Cynthia Sanchez; Dra. Natividad Cariaga at Dr. Norman Alidio.
Si Dr. Loyola ay pangunahing kasangguni ni Mayor Vic Amante sa pagpapatayo ng San Pablo City General Hospital na napaulat na bubuksan na sa darating na Oktubre 27, 2009
Sa mensahe ni Mayor Vicente B. Amante. Kanyang napansin na ang paksa ng pagdiriwang ng anibersaryo ng Pambansang Samahan ng mga Manggagamot ng Pilipinas ay napapanahon, kaugnay ng diwang gumagabay sa kanya para pagtuunan ng pansin ng kanyang pangasiwaan na pagtuunan ng pansin ang mga palatuntunang maghahatid ng mga tuwirang tulong na pangkalusugan sa mga mamamayan, ano mang antas ng pamumuhay ang kanilang kinabibilangan.Dahil dito, hinihiling ng butihing punonglunsod ang lubos na pagtulong mga miyembro ng SPCMS lalo’t higit sa kasalukuyan na ipinatatayo ng pangasiwaang lokal ang sariling ospital para sa lahat ng mamamayan ng Lunsod ng San Pablo.
Ang iba pang bahagi ng palatuntunan para maipagdiwang ang 2009 Medicine Week ay ang mga sumusunod: Setyembre 20, Araw ng Linggo, pag-aalay ng bulaklak sa paanan ng bantayog para sa alaala ni Dr. Jose Protacio Rizal na kinikilalang isang mahusay na manggagamot noong kanyang panahon, na susundan ng isang banal na misa na gaganapin sa chapel ng SPC Medical Center, kung saan doon na rin bubuksan ang isang photo exhibit na ang itatampok ay mga larawan ng kapaligiran, at Alay Lakad na gaganapin sa Doña Evangelina Macapagal Boulevard, ang peripheral road ng Sampaloc Lake.
Sa Setyembre 21 ay gaganapin ang Medicup 2 Badminton Tournament na gaganapin sa Greencourt sa VESCO Subdivision; sa Setyembre 22 ay National Screeing Day at Free Clinic sa pakikipagtulungan ng Emerald Lions Club. Magkakaroon din ng elimination kaugnay ng Singing Physician Contest, at magkakaroon ng isang scientific meeting on diabetes na gaganapin sa main function hall ng Palmera Resort and Restaurant.
Sa Setyembre 23, ang SPCMS ay lalahok sa Singing Contest na gaganapin sa PMA National Office sa Quezon City, at lalahok sa Anti-Tobacco Campaign Lecture na doon din gaganapin. Sa Setyembre 24 ay magkakaroon ng isang lecture on Introduction to Golf na gaganapin sa Sto. Nino Driving Range, at ang Fellowship Night ay sa Setyembre 30, 2998. (CIO-San Pablo City)
Comments
Post a Comment