Ang Rotary Club of San Pablo City Central sa pamamatnubay ni Club President Adoracion “Doctora Doray” B. Alava ay nag-aanyaya sa lahat ng mga naghahangad na magkaroon ng maayos na hanapbuhay na lumahok sa Jobs Fair na itataguyod ng kanilang klab sa pakikipag-ugnayan sa Department of Labor and Employment-Region IV-A at City Public Employment Services Office (PESO) sa darating na Biyernes, Nobyembre 20, 2009, simula sa ika-8:00 ng umaga hanggang ika-3:00 ng hapon sa PAMANA Hall ng Federation of Senior Citiezens Association sa City Hall Complex.
Nagpapayo si Doctora Doray sa mga nagsisipaghanap ng trabaho na magsadya sa jobs fair na may kahandaan, tulad ng pagsusulat na ng kanilang curriculum vitae o personal data sheet, pagdadala ng mga kasulatang karaniwang inilalahad ng isang namamasukan sa gawain tulad ng birth certificate, NBI/Police Clearance, diploma o certificate of training, cedula, at larawan. Kung mayroon ay makabubuti na ring dalahin ang kanilang passport.
Ipinapayo ng mga kagawad ng Rotary Club of San Pablo City Central na sa pagsasadya sa jobs fair ay makabubuting may maayos na kasuutan o ang pananamit ay angkop sa gawaing nais pasukan, at kung lalaki ay iwasan din ang pagkakaroon ng hikaw at tattoo, sapagka’t ito ay hindi kaakit-akit para sa mga human resource officer na karaniwang siyang nagsasagawa ng pakikipanayam sa job applicant.
Pauna na ang pagpapaabot ni Doctora Doray ng pagpapahalaga kay Atty. Ricardo Martinez Sr. Regional Director ng DOLE-Region IV-A na naka-base sa Calamba City, at kay City Administrator and PESO Manager Loreto S. Amante alang-alang sa kanilang agarang pakikipagtulungan upang matiyak na may mga lehitimong employement recruiter o job placement agencies na lalahok at mag-aalok ng mga gawain sa jobs fair sa darating na Nobyembre 20. (RCSPCC Release)
Comments
Post a Comment