Pormal na nilagdaan nina Mayor Nelson Monteagudo Osuna ng Nagcarlan at Mayor Vicente Belen Amante ng San Pablo City ang isang Memorandum of Agreement na nagbibigay ng kaluwagan sa Pangasiwaang Munisipal ng Nagcarlan na maglagak ng kanilang basura sa Sanitary Landfill ng Pangasiwaang Lunsod sa Sityo Baloc sa Barangay Santo Niño. Ang kasunduan ay nabalangkas sa bisa ng Kapasiyahan Bilang 2009-76 ng Sangguniang Bayan ng Nagcarlan, at Kapasiyahan Bilang 2009-350 ng Sangguniang Panglunsod ng San Pablo ,na maipatutupad sa bisa ng Kautusang Lunsod Bilang 2010-02. Sa kasunduan ay hindi pinahihintulutan ang paghahatid ng basurang nakalalason, at ng mga basurang nalilikha at natitipon sa mga pabrika at paggamutan. (Ruben E. Taningco)
.
Comments
Post a Comment