SAN PABLO CITY - Kung hindi mapagtitibay ang proposed amendment ng Republic Act No. 9164 na inilahad sa Senado ni Senador Juan Miguel Fernandez Zubiri na nagtatakda ng pagsasagawa ng Synchronized Barangay and Sangguniang Kabataan Elections sa darating na Oktubre 25, 2010, ay dapat asahang tuloy-tuloy na ang mga halalang ito, na ang panunungkulan ng mga mahahalal ay magsisimula sa Nobyembre 30, 2010.
Iminumungkahi ni Senador Zubiri na magkaroon ng extension ang panunungkulan ng mga nakaupong mga pinunong barangay sa pamamagitan pagtatakda na ang halalan ay ganapin sa Oktubre 22, 2012, na ang panunungkulan ay magsisimula sa Nobyembre 30, 2012.
Ipinapapansin ni Mig Zubiri na ang tangi niyang layunin sa pagbabalak na maipagpaliban ang halalang pambarangay sa taong “ay ang kagalingan ng mga mamamayan”, sapagka’t siya ay naniniwala na ang tatlong taong panunungkulan ng mga opisyal ng barangay ay lubhang maikli para mabalangkas at maipatupad ang mga palatuntunang inaakalang nilang makabubuti sa pamayanang kanilang pinamumunuan.
Napag-alamang ang balak na pagpapaliban ng halalan ng mga sangguniang barangay at sangguniang kabataan sa Oktubre 25, 2010 ay kanyang nabalangkas pagkatapos ng mga naisagawa na niyang pakikipagsanggunian o konsultasyon sa maraming pinunong lokal, at asosasyon ng mga pinunong barangay mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Samantala, napag-alaman mula sa isang mataas na pinunong pangrehiyon ng Komisyon sa Halalan na ang susunod na halalang lokal ay gaganapin sa Mayo 13, 2013 kung saan ang ihahalal ay ang 12 Senador, Kongresistal Gobernador, Bise Gobernador, Bokal, Alkalde, Bise Alkalde, at mga Kagawad ng Sanggunian. Ang kanilang panunungkulan ay magsisimula sa Hunyo 30, 2013.
Kaugnay ng proposal ni Zubiri na maipagpaliban ang halalang pambarangay sa Oktubre 25, 2010, kanyang ipinapayo na sulatan at kulitin ang lahat ng mga senador, at ang kanilang konresista, bago pa man magbukas ang Kongreso sa Hulyo 26, 2010 para muling mapasok ito sa agenda ng Kongreso at agarang maisabatas, tuloy magkaroon ng kapanatagan ang kaisipan ng mga kasalukuyang pinunong barangay, na ang halalan ay magaganap sa Oktubre 22, 2012.(Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment