Nagpapaalaala si City Administrator Loreto S. Amante na ang mga pinunong lunsod na nahalal noong nakaraang Lunes, Mayo 10, ay magsisimulang manungkulan simula sa tanghaling tapat ng araw ng Miyerkoles, Hunyo 30, 2010, na tatagal hanggang Hunyo 30, 2013. Ito ay naaayon sa tadhana ng mga umiiral sa batas sa bansa.
Samantala sa mga nagsisipagtanong, nabanggit ni Amben Amante na ang susunod na halalang panglokal, ay nakatakdang ganapin sa darating na Mayo 13, 2013, kung kailan ang mga ihahalal ay 12 Senador, kongresista, gobernador, bise gobernador, mga bokal o kagawad ng Sangguniang Panglalawigan, alkalde, bise alkalde, at mga kagawad ng Sangguniang Bayan/Panglunsod.
Nagpapaalaala rin si City Administrator sa lahat na kung may nadaramang karamdaman, ay huwag mag-atubiling magsadya sa San Pablo City General Hospital kung saan sila ay handang paglingkuran ng mga nakatalaga roon mga manggagamot at iba pang tauhan sa pangangasiwa ng mga suliraning pangkalusugan.
Nasa bakuran din ng Ospital ng Lunsod ang klinika ng City Health Office kung saan ang mga tauhan ay handa ring magkaloob ng out-patient services sa mga mamamayan na may idinaraing na karamdaman.
Gayon pa man, nilinaw ni Amben Amante na bagama’t magkaugnay ang ipinagkakaloob na paglilingkod ng City Health Office, at ng San Pablo City General Hospital, ito ay magkahiwalay na institusyon sa paghahatid ng paglilingkod na pangkalusugan o ito ay magkahiwalay na ahensya ng pangasiwaang lunsod na may kanya-kanyang organisasyon.
Ang paradahan ng tricycle na naghahatid sa San Pablo City General Hospital, at sa klinika ng City Health Office sa Barangay San Jose ay sa panulukan ng M. Paulino Street at P. Burgos Street, katabi ng CARD Bank, na ang linya ay Bañagale, at ang kabayaran ay P10 bawa’t pasahero. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment