Nasunog ang lumang gusali ng San Pablo Colleges Medical Center noong Biyernes ng madaling araw, Mayo 28, at iniulat na wala namang nasaktan o nagtamo ng kapinsalaan sa mga pasyenteng naka-confine sa nabanggit na pagamutan nang maganap ang sunog. Ang mga pasyenteng ang akomodasyon ay naapektuhan ng sunog ay nailipat kaagad sa San Pablo City General Hospital.
May mga ulat na tinanggihan di-umano ng mga malalapit na pribadong ospital ang sana ay ililipat ditong mga pasyente mula sa nasusunog na pagamutan, kaya ang 22 pasyente ay sa bagong tayong ospital ng lunsod itinuloy na inilipat at pinangangalagaan, na ang pagtigil ay tatangkilikin ng tanggapan nina Congresswoman Ivy Arago at Alkalde Vicente Amante.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, napag-alamang ang sunog umano ay nagsimula sa tinatayang ika-3:35 ng umaga sa isang bahagi ng matandang gusali na kasalukuyang isinasaayos, na kaagad ay kumalat sa Nursing Department Building, at nadamay ang mga operating room, delivery room, radiologic room, medical and surgical wards, cashier’s and records’ offices, doctors’ office, at ang mga emergency room facilities and equipments. Ipinahayag na under control ang sunog pagkalipas ng isang oras.
Ang San Pablo Colleges Medical Center ay isa sa kinikilalang pangunahing general hospital sa Katimugang Luzon. Ito ay isang 118-bed capacity private hospital na may akreditasyon ng Department of Health at ng Philippine Health Insurance Corporation, at kasapi ng Philippine Hospital Association, at ng Private Hospital Association of the Philippines. Ang San Pablo Colleges Medical Center, na kasalukuyang pinangangasiwaan ni Dr. Gabriel Macasaet Eala bilang Chief Executive Officer, ay nakatakdang ipagdiwang ang kanilang ika-35 Anibersaryo ng Pagkakatatag sa darating na Hunyo 16 – 18, 2010 ay taas-noong ipinababatid sa lahat na sila ang kaunaunahang ISO 9001:2008 Certified Hospital sa Katimugang Lunsod, isang pagkilalang nangangahulugang ang pagamutan ay nakatutugon sa internasyonal na pamantayan sa tamang paglilingkod. (Ruben E. Taningco)
Photo Source : http://7lakes.pinoytayo.biz/index.php?topic=57.msg74;topicseen#new
Photo Source : http://7lakes.pinoytayo.biz/index.php?topic=57.msg74;topicseen#new
Comments
Post a Comment