SAN PABLO CITY - Si Bb. Rosario M. Robielos, General Education Supervisor (for English), bilang tagapangasiwa ng DepEd Library Hub sa lunsod na ito, ay nagpapahalaga sa pangasiwaan ng Rural Bank of Seven Lakes (San Pablo City), Inc. sa paghahandog nito ng limang (5) yunit ng industrial fan o malalaking bentilador para sa kaluwagan ng mga batang dumadalaw rito para masanay sa pagbabasa.
Ang Library Hub-San Pablo City ay isang proyektong magkatuwang na itinaguyod ng Department of Education, at ng Pangasiwaang Lunsod ng San Pablo sa layuning ang lahat ng mga mag-aral sa paaralang elementarya at sekondarya ng pinakikilos ng pamahalaan ay magkaroon ng pagkakataon na makabasa ng tama at angkop na aklat batay sa kanilang gulang at antas ng pag-aaral.
Napag-alamang ang Library Hub-San Pablo City ay kinilala sa nakaraang kombensyon ng mga DepEd Library Hub Supervisors na “2009 Most Functional Library Hub,” at “2009 Second Best in Networking (National Level)” na isang karangalan kung isasaalang-alang na mayroong 189 school division sa buong bansa.
Magugunita na ang Lunsod ng San Pablo ay isa sa iilang yunit ng pamahalaang lokal na kaagad ay tumugon sa hamon ng Kagawaran ng Edukasyon na makipag-partner para para makapagtatag ng isang makabuluhang aklatan na sasanay sa mga batang nagsasakit na makapagtamo ng panimulang edukasyon na magkaroon ng kasanayan sa pagbasa. Sa pinagtibay na Memoradnum of Agreement sa pag-itan nina Dr. Ester C. Lozada, ang City Schools Division Superintendent noon, bilang kinatawan ni Education Secretary Jesli Lapuz, at Mayor Vicente B. Amante, pananagutan ng pangasiwaang lokal ang pagpapatayo ng impraistraktura o ng gusali para sa aklatan, at ang Kagawaran ng Edukasyon ang mananagutan sa ilalagay na imbentaryo ng mga aklat para sa panimulang pag-aaral ng mga bata sa mga paaralang publiko.
Ayon kay Education Secretary Lapuz noon, at Education Secretary Mona Valisno ngayon, ang Library Hub na kinikilalang depositoryo ng mga pangunahing aklat para ang mga bata ay masanay magbasa, na siyang magbibigay daan upang ang mga bata ay magkaroon ng hilig sa pagbabasa o maging mga book lover, ang isang library hub ay magtatagumpay kung ito ay tatanggap ng suporta mula sa pamayanang kinatatayuan nito. Ang mga paninindigang ito ang nag-udyok sa Judge Odilon I. Bautista na ang Rural Bank of Seven Lakes na kanyang pinakikilos ay maghandog ng mga bentilador sapagka’t personal niyang napansin na ito ang napapanahong pangangailangan ng aklatan.
Magugunitang ang apat (4) na “adopted schools” ng Rural Bank of Seven Lakes sa ilalim ng “Adopt-A-School Program” ng Department of Education, ay pawang mga skills books na ginagamit sa mga eklusibong paaralan ang kanilang ipinagkakaloob, bagama’t masasabing sa paghahambing, ang mga aklat na ito ay may kamahalan, sapagka’t naniniwala si Judge Odilon I. Bautista, na produkto ng isang Paaralang Jesuita, na, “Kung imposible para sa lipunan na ang mga mayayaman at mahihirap ay kumain sa iisang hapag-kainan, hindi ito dapat mangyari sa larangan ng edukasyon, sapagka’t ang bawa’t bata ay Proyekto ng Dios na karapatdapat sa pantay na pagkakataon.”
Magugunitang noong Taong 2003, sa isang pahayag ay nabanggit noon ni Senador Ralph Recto na isang pangangailangan na sa bawa’t dibisyon ng paaralan ay dapat na may isang mayamang aklatan, lamang, suliranin ng mga yunit na pamahalaan lokal, na sa pamantayan ng National Economic and Development Authority (NEDA), ang paglalaan ng pondo para sa pagpapatayo ng library structures ay wala sa prayoridad o hindi nakatala sa mga palatuntunang dapat kaagad ay paglaanan ng pondo o matustusan.
Nabanggit din ni Recto noon, na kung magtatayo ng library sa isang lalawigan o lunsod, marapat na ito ay itayo sa karangalan ng mga nakilalang manunulat o alagad ng sining sa pamayanag pagtatayuan nito.
Sa isang kaugnay na ulat, ipinabatid ni Gng. Eileen A. Roda, punong guro, kay City Schools Division Superintendent Enric T. Sanchez na ang Rural Bank of Seven Lakes, sa tagubilin ng Lupon ng Patnugutan nito, ay maghahandog ng tulong na salapi sa pagsasaayos ng peripheral concrete fence ng San Gabriel Elementary School upang ganap na mapangalagaan ang kaayusan ng kampus ng paaralan laban sa mga paligaw o nakaliligaw na hayop at mga masasamang-loob. Ito ay nagbabadya na ang San Gabriel Elementary School ay magiging panglimang yunit ng paaralang elementarya na aampunin ng bangko. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment