Ipinaaalaala ng Resolution No. 9043 na pinagtibay ng Commission on Elections noong Setyembre 22, 2010 na ang ipinahihintulot na campaign materials ay ang mga sumusunod: mga munting babasahin, tarheta, sulat, at sticker na ang sukat ay hindi lalaki sa 8.5 pulgada ang lapad at 14 pulgada ang haba ng kinalilimbagang papel. o karton.
Sang-ayon kay OIC City Election Officer Patrick Arbilo, ipinahihintulot din ang poster na maaaring nakalimbag sa tela, sa cardboard, at sa tarpaulin, na ang sukat ay hindi dapat na lumaki sa 2 piye ang lapad at 3 piye ang haba.
Maaari ring magpagawa ng streamer na ang sukat ay 3 piye ang lapad, at 8 piye ang haba na ilalagay sa dakong pagdarausan ng papulong o miting, limang (5) araw bago isagawa ang papulong, na dapat alisin kaagad pagkatapos ng pulong o political rally.
Sang-ayon sa mga umiiral na batas at alituntunin na panghalalan, ang dapat gugulin ng isang kandidato ay hindi dapat humigit sa P3 bawa’t rehistradong botante sa barangay, Halimbawa, kung sa barangay ay may 500 rehistradong botante, ang gugugulin ng isang naghahangad maging punong barangay ay hindi dapat humigit sa P1,500. Ang lahat ng nagkandidato, nanalo at natalo, ay may pananagutang maglahad sa Office of the Election Officer ng Statement of Contributions and Expenditures o pinanumpaang pahayag sa tinanggap niyang tulong at kabuuang halagang nagugol, na inihanda sa dalawang kopya, na dapat tanggapan ng Election Officer sa o bago ang Nobyembre 10, 2010, paalaala pa ni OIC Arbilo.(Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment