LIPA CITY - Ngayong buwan ng Oktubre ang mga Panglalawigang Tanggapan ng Pambansang Tanggapan ng Estadistika o National Statistics Office (NSO) ay magsasagawa ng kanya-kanyang Provincial Elimination para sa 19th Philippine Statistics Quiz (PSQ). Ang nasabing paligsahan sa larangan ng Estadistika ay isinasagawa taun-taon ng NSO sa pakikipagtulungan sa Philippine Statistical Association (PSA). Ito ay naglalayong malaman ang kakayahan ng mga estudyanteng nasa unang taon sa kolehiyo tungkol sa Estadistika na napag-aralan nila noong sila ay nasa high school pa. Nilalayon din nito na malaman ng publiko ang kahalagahan ng estadistika (o datos) sa pagpaplano para umunlad ang ating bansa. Ito ang ipinahayag ni Director Rosalinda Bautista ng NSO-Region IV-A na may punong tanggapan sa lunsod na ito.
Sang-ayon kay Bb. Bautista, ang unang magsasagawa ng provincial elimination ngayong buwan ng Oktubre ay ang lalawigan ng Batangas na gaganapin sa Oktubre 20. Ang lalawigan ng Cavite at Rizal ay sa Oktubre 22; samantalang ang Laguna at Quezon ay sa Oktubre 28. Ang limang mangunguna sa bawat probinsya ay maglalaban-laban sa Nobyembre 23 para mapili ang magiging regional champion na kakatawan sa CALABARZON sa 19th Philippine Statistical Quiz.na gaganapin sa Maynila sa Disyembre 8, 2010.
Ang tatanghaling kampeon sa regional elimination ay tatanggap ng P5,000-cash, samantala ang first runner-up ay tatanggap ng P3,000, at ang second runner-up ay tatanggap ng P 2,000 Ang kanilang mga coach ay makakatanggap din ng salapi na katumbas ng kalahati ng tatanggapin ng kanilang estudyanteng nanalo. Inaasahang magkakamit ng P25,000 ang magiging PSQ National Champion at ang kanyang coach ay tatanggap ng P12,500, pahayag pa rin ni Director Rose Bautista. (NSO-Region IV-A Release)
Comments
Post a Comment