Pagtalima sa itinatagubilin ng Memorandum Circular No. 2011-28 ni Interior and Local Government Secretary Jesse M. Robredo na pinagtibay noong nakaraang Pebrero 24, 2011 ay gaganapin ng sabaysabay sa buong bansa ang Synchronized Barangay Assembly Day sa darating na Marso 26, 2011, araw ng Sabado, at ito ay para sa first semester o unang anim na buwan ng taong kasalukuyan, sang-ayon kay City Local Government Operations Officer Marciana S. Brosas, nang siya ay dumalo sa buwanang pulong ng Liga ng mga Barangay noong Lunes ng umaga sa Barangay Training Center ng lunsod.
Sa tagubilin ni Kalihim Robredo, ang mga dapat talakayin sa kapulungan ng lahat ng mga rehistradong botante sa barangay ay (1) pag-uulat ng mga naisagawa ng sangguniang barangay sa nakaraang semester o Hulyo hanggang Disyembre ng Taong 2010; (2) talakayan sa mga gawain ng Barangay Development Council na siya na ring gaganap na Barangay Disaster Risk and Management Council; Barangay Peace and Order Council na ang pangunahing tatalakayin ay ang nilalaman ng DILG Memorandum Circular No. 2011-24 na paglulunsad ng seryosong kampanya laban sa sugal at iba pang labag sa batas na gawain; (3) Barangay Council for the Protection of Women and Children; at (4) talakayan ukol sa pananalapi ng pangasiwaang barangay..
Ayon kay Brosas, maaari ring talakayin sa kapulungan ang mga ipatutupad na palatuntunan na may kaugnayan sa pangangasiwa sa koleksyon ng basura, at ang mga kinakailangang paghahanda para makaipon ng sapat na punla ng punong kahoy na itatanim sa darating na Hunyo 25, 2011 kasabay ng lahat pang barangay sa bansa. Ang nabanggit na pagtatanim ay naaayon sa National Greening Program kung saan ang inaasahan ay makakapagtanim ng mahigit na isang bilyong puno sa buong bansa sa nabanggit na araw na kilala sa kasaysayan bilang Arbor Day.o Araw ng Punongkahoy.
Nabanggit ni Brosas na pananagutan ng mga bumubuo ng sangguniang barangay na bigyan ng promosyon o malawakang pagpapaalaala sa lahat ng mga rehistradong botante sa barangay na daluhan nag barangay assembly, sapagka’t ito ay malinaw na nakatadhana sa Local Government Code of 1991 o Batas Republika Bilang 7160 na nag-uutos ng pagsasagawa ng dalawang pangkalahatang pagpupulong bawa’t taon, ang una ay sa unang semestre na itinatakda sa huling araw ng Sabado sa buwan ng Marso; ang kapulungan sa ika-2 semestre ay sa ikatlong Sabado ng buwan ng Oktubre.
Mahalaga ring daluhan ang ika-2 pagpupulong o sa Oktubre 15, 2011 sapagka’t dito dapat ilahad ng punong barangay ang pinagtibay ng sangguniang barangay na annual barangay budget para sa susunod na taon, upang ratipikahin ng mga taga-barangay, paliwanag ni CLGOO Marciana S. Brosas. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment